Horror Story Pinoy

Welcome Novel Stories today

Discover captivating love stories through our novel collection. Immerse yourself in the world of romance with our novel books. Fall in love with story.

Horror Story Pinoy


 Back Masking



Taong 2007 nang nakabili ang magulang ni Enix ng bahay at lote sa probinsya ng Laguna, lugar ng Majayjay. Ang daan patungo sa lugar ay makipot at baku-bako. Tila ba nakalimutan na ito ng mga kinauukulan. Magkagayunman ang tanawin sa lugar ay hindi mapapantayan ng kahit anu mang halaga. Nakakatawa na kahit walang kontribusyon ang lokal na pamahalaan sa ganda ng lugar eh kumikita sila sa turismo.

Hindi ito ang unang beses na napunta ang pamilya ni Enix sa probinsya. Sa totoo lamang ay parang naging panata na nila na bumalik-balik doon lalo na sa tuwing mainit sa siyudad. Isa pa, presko at kaaya-aya ang hangin hindi tulad sa Maynila na nakakasulasok ang amoy sa tuwing ibababa mo ang bintana ng iyong kotse. Nang makakita nga sila sa peryodiko ng property na mababa sa karaniwang presyo sa merkado ang halaga ay hindi na sila nagatubiling bilhin iyon. 

Nang dumating nga ang buwan ng Abril, araw ng bakasyon ay isinabay na ng kanilang ama na mag-file ng vacation leave upang makasama sa kanilang pamilya ng mas matagal na panahon. Pagkakataon na nila para ayusin ang bagong bilhi nilang bahay. Sabi pa ng kanilang ama, tiyak na magugustuhan nila ang lugar dahil maaliwalas iyon.

Halos anim na oras ang tinagal nila sa daan. Kapagdakay nagpapalit ng p'westo ang kaniyang magulang lalo na kapag napapagod ito sa pagmamaneho. Ilang oras pa at alam mo na na narating mo na ang lugar ng Majayjay. Naroon ang mga taong may hawak na bandera na nagsesenyasan kung maari ka nang lumiko o hindi pa. Sa sobrang kipot kasi ng daan ay isa lamang ang kakasya sa daan. Wala namang ibang ruta maliban doon.

Pagsapit nila sa kanulang destinasyon ay dali-daling nagpahinga ang ama ng kanilang tahanan. Bukod kasi sa trabaho ay napagod iyon sa haba ng byahe. Ang bahay ay sapat lamang sa isang pangkaraniwang mag-anak. Hindi rin naman kalakihan. May tatlong kwarto sa ikalawang palapag na may maliit na tirasa na may nakapaligid na rehas na bakal. 

"Walang fire exit?" pansin ng kanyang Mama habang iniinspeksyon ang tirasa

Sadyang ganoon na yata ang lahat ng Ina. Mas inuuna nito ang

kaligtasan ng mag-anak bago pa ang ibang bagay. Napakunot noo siya na parang hindi nagustuhan ang nakita. "Hon, pagawan mo ng fire exit dito sa terrace. Mahirap na kapag nagkasunog. Saan tayo lalabas kapag nagkataon?"

Hindi rin nakaligtas sa kanyang matatalas na mata ang sala pati rin ang dining area. Ang dirty kitchen ay masyadong malapit sa banyo at sa isip niya, baka pagmulan iyon ng isyu sa kanilang kalusugan. Nasiyahan naman siya nang makita ang deep well o bombahan. Sa pakiwari niya ay magandang ehersisyo yon sa kanyang mga anak. Isa pa, makakatipid din sila sa tubig.

"Buti ibinenta sa iyo ng mababa ito?" tanong ng Ina ni Enix

"Nagmamadali na raw kasi yung nagbenta. Lilipad yata ng ibang bansa at kailangang-kailangan ng pera,"

Sa unang araw nila Enix sa bahay ay may ilang kakatwang bagay na silang napansin tungkol sa tinitirhan. Sa unang tingin ay maaring simple at ordinaryo ang araw. Nakakapagot at tila walang

mapagkakaabalahan. Wala pang cable connection sa bahay na iyon. Tanging ang pakikipag-text lamang sa mga kaibigan na naiwan ni Enix sa Manila ang kaya niyang gawin. Naupo siya sa sofa, kinuha ang remote ng TV at binuksan iyon. Sa kasamaan palad ay malabo ang reception. Wala pa nga pala ni antenna sa loob. Sasakit lamang ang kanyang mga mata sa panonood. Kung alam niya lamang sana ay dinala niya ang desktop niya at nang makapaglaro man lamang.

Ilang sandali pa ay narinig ni Enix ang isang malakas na kalabog na sinundan ng isang nakakakilabot na paghiyaw ng isang babae. Para bang nagmula iyon sa kailaliman ng lupa at nanunuot sa kaloob-looban ng tainga ni Enix. Dlai-dali niyang tinungo ang kanyang ina.

"Ma, bakit?" wala naman kasing ibang babae sa lugar kung hindi ang kanyang ina. Yun nga lang tila ba iba ang boses ng sumigaw.

Nasa kusina ang kanyang ina na abala sa pagluluto ng kakaining hapunan. Alas-sais na rin kasi noon at karaniwang madalas maghapunan at matulog ang gma tao sa probinsya.

"Ikaw ba yung sumigaw Ma?" alinlangan pa siyang magtanong at baka nag-aaway ang kanyang mga magulang. Baka siya pa ang mapagbalingan ng galit ng kanyang ina.

"Ano, sumigaw? Tigilan mo akong bata ka ha! Mananakot ka na naman!" inis na sabi niya akin. Napabuntung hininga na lamang si Enix. Inisip na lamang niya na siguro ay isang ginang na napadaan sa harap ng kanilang bahay na sinisigawan ang kaniyang mga anak. May posibilidad din na kapitbahay nila iyon, ngunit medyo malayo ang susunod na bahay sa kanila. Ang pinagtataka lamang ni Enix ay bakit siya lamang ang parang nakadinig.

Lumabas siya at tiningnan na nagsisimula nang balutin ng kadiliman ang lugar. Binuksan niya ang gate upang pumunta sa poste ng ilaw sa tapat ng bahay at buksan iyon. Saktong pagbalik niya ay parang namalikmata siya at nakita ang isang anino na tumakbo sa gilid ng bahay. Tatawagin niya sanang muli ang kanyang Mama ngunit baka pagalitan muli siya. Kinuha niya ang kahoy na dustpan sa tabi ng gate at pumunta sa gilid ng bahay. Kahit pa kumakaway pa lamang ang takipsilim at madilim na doon. tanging ang ilaw lamang ng poste ang liwanag na sumisilip.

Nakahinga lamang siya nang maluwag nang makumpirma niyang walang taong tumakbo doon. Tanging ang basement na nakakandado ang rehas na pintuan an natagpuan niya. Kahit na yata masaliksik ang kanyang ina ay nakaligtaan nitong busisiin ang parteng iyon. Tumakbo siya pabalik sa bahay upang ibalita iyon sa magulang. 

"Ma! May basement tayo!" parang nasasabik niyang sinabi sa kanyang Mama. Nakakita siya ng bagong lugar na maaring pagkaabalahan.

"Ano?" tanong ng kanyang ina.

"Basement! Tara labas kayo sandali." Kahit na naiinis ay sandaling itinigil ng kanyang Ina ang pagluluto. Lumabas sila at nakita nila ang basement na parang matagal nang hindi nabubuksan. May kalawang na kasi ang mga kandado. Pati ang bisagra ng rehas na pintuan ay

nababalutan na ng kalawang.

"Bukas niyo na tingnan ng Papa mo yan, kakain na tayo, baka kung ano pang mga insekto ang nandyan" wika ng kanyang Mama na halata mong gumagawa lamang ng dahilan. Matatakutin kasi ang kaiyang Mama at hindi ito bababa sa isang madilim na lugar na hindi alam kung ano ang naroon.

Matapos paalalahanan ang kanyang anak ay agad na rin itong tumalikod. Si Enix naman ay nanatiling pinapagmasdan ang lugar. Kahit na nga madilim doon ay sibukan niyang sipatin ang lugar. Sandali siyang bumalik sa loob ng bahay para kumuha ng posporo. Alam naman niyang delikado iyon ngunit wala kasi silang dalang lente. Hindi yata siya makakatulog hangga't hindi man lamang nakikita kahit na isang maliit na lugar ng basement.

Agad niyang tinago mula sa kanyang bulsa ang posporo. Sigurado siyang sermon ang hapunan niya kapag nakita iyon ng kanyang ina. Sa sandaling naitapak niya ang kanyang paa sa labas ng pintuan nila ay nagmadali siyang bumalik sa pintuan ng basement. Sinindihan niya ang palito ng posporo at sinubukang itanglaw iyon sa madilim na parte ng basement. Sa kasamaang palad ay tanging mga hagdan lamang pababa ang nakikita niya. Ipinasok niya ang mga braso sa siwang ng rehas at ibinaba ang posporo. Hindi na nga niya napansin na paubos na ang palito at napaso siya.

Dahil sa pagkapaso ay naibato niya ang posporo na may sindi pa sa bandang ibaba ng hagdan. Sandali pang nagliyab iyon, ngunit nagulat ako nang makitang may kamay na humampas sa apoy para patayin iyon. Kahit na ba wala pang isang segundo ang pangyayari ay sigurado siya sa kanyang nakita. may tao sa kanilang basement. Dali-dali siyang bumalik sa loob ng bahay upang ibalita ang nasaksihan sa kaniyang ama. Bago pa siya makapagsalita ay naunahan na siya ng kaniyang

ama.

"Bakit parang namumutla kang bata ka?" tanong nito na puno ng pagtataka. Tila yata napansin nito ang takot sa mukha ng kanyang anak.

"May tao sa basement," hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Enix at sinabi iyon sa kaniyang ama.

"Ano?" Umakyat ang lalaki sa itaas at kinuha ang mga susi ng kwarto. Kinuha niya rin ang isang kitchen knife.

"Maiwan ka sa Mama mo," utos nito sa anak, ngunit walang balak

makinig si Enix sa kanya. Sumama ito sa ama palabas ng bahay. Muling dinampot ang kahoy na dustpan handang ihampas iyon kung kanino

man.

Agad binuksan ng kanyang ama ang kandado ng basement. Gaya nga ng inaasahan ay gumawa iyon ng hindi kanais na tunog. Para bang isang daing ng isang hirap na hirap na nilalang.

"May tao ba dito?" tawag ng kanyang ama. "Nakita ka ng anak ko, h'wag ka nang magtago. Isusumbong ka namin sa pulis. Trespassing ito," may halong pagbabantang sabi niya.

Nang walang tumugon ay sinubukang hanapin ng kanyang ama ang switch ng ilaw. Nakailang posporo pa siya habang sinusundan ang kawad ng kuryente bago niya makita ang pindutan ng ilaw. Nang matanglawan ang lugar ay tumambad sa kanila ang silid na tila ba nakalimutan na ng panahon.

Ang basement na iyon ay isang tambakan ng mga lumang gamit ng dating may-ari ng bahay. Parang nagmamadali talagang umalis ang may-ari ng bahay at iniwan ng lahat ang mga pag-aari niya dito. Sa dami ng bagay na nakita nila doon ay napukaw ang pansin ni Enix ng isang lumang cassette player at mga cassette tapes. Hindi ka na madalas makakita ng mga ganoong bagay kaya dali-dali niya itong pinuntahan. Nakalimutan niya na tuloy ang nakita niyang kamay kanina lamang.

Nang makita siya ng kanyang ama na abala na sa paghahalungkat ng mga gamit ay tumigil na rin ito sa paghahanap ng tao sa loob ng basement.

"May nakita ka ba talaga, o gusto mo lang pabuksan ang basement?" hindi na niya sinagot ang ama dahil na rin sa pagkawili niyang maghalungkat ng mga bala ng cassette.

"Umaandar pa kaya to?" tanong ni Enix

"Madumi yan, bukas mo na kalikutin yan kapag nakalinis na tayo at kakain na." Lumapit ang ama sa anak at binalik sa pinaglalagyan ang iba pang cassette tapes.

"laakyat ko na lang sa kwarto?" umasa pa siyang bibigyan siya ng permiso ng ama ngunit tumangi itong muli. Baka daw silang dalawa pa ng anak ang mapagalitan ng asawa.

Kinandadong muli ng lalaki ang basement at pagdakay bumalik na sa loob ng bahay. Ang kanyang ina naman ay nasa sala at hinihintay ang kanilang balita. Kahit ba nadinig nito ang usapan ng dalawa kanina lamang ay hindi na ito sumunod. Para bang nakuryente iyon at hindi na nakagalaw sa kinatatayuan. Nakailang antanda na rin ito. Hawak niya ang kanyang cellphone at handang i-dial ang numero ng pulisya.

"May nakita ba kayo?" alalang tanong nito.

"Lumang gamit. Ang daming lumang gamit, baka may magustuhan ka pang gamit doon, yung iba itapon na natin bukas," sagot ng ama ni Enix.

Nang sumapit ang oras ng pagtulog ay hirap na dalawin ng antok si Enix. Ganoon yata tuwing matutulog ka sa hindi kilalang bagay. Natatandaan pa nito na sa tuwing makikitulog sila sa bahay ng kanyang lolo ay napupuyat ito. Ayon sa matatanda, normal daw iyon dahil kinikilala ka ng espirito ng bahay. Namamahay nga raw ang tawag doon.

Kinabukasan, Matapos mag-agahan ay agad niyang pinabuksan sa ama ang basement. Pinakuha na lamang sa kanya ng ama ang cassette player at ang mga tapes. Sinabi nitong iakyat na lamang sa kwarto ang gamit at makakadistorbo pa siya. Maglilinis daw kasi ang mga ito sa basement at makakagulo lang daw ang binata.

Dala siguro ng pagkasabi at kakulangan sa kaalaman ay agad itong sinaksak ni Enix. Hindi na niya inisip na maaring magliyab iyon kung may sira sa koneksyon. Mabuti na lamang at gumagana pa ang patugtog. Nakita niya ang isang casette tape ng hindi kilalang banda. Siguro ay sumikat iyon noong dekada noventa. Hindi na kasi pamilyar si 

Enix doon. Maingay at halos hindi mo maintindihan ang mga salitang binibitawan ng bokalista.

Naalala ni Enix ang palabas sa TV tungkol sa mga hardcore bands na may message kapag na-backmask. Bumaba siya para kunin ang kutsilyo. Plano niyang tanggalin ang screw ng cassette tape ng isang hardcore band. Nagmadali siyang tinanggal ang turnilyo at binuksan ang cassete tape. Nag-aalala pa si Enix na baka makita ng kanyang ina ang ginangawa at siguradong siyang magagalit ito sa kanya. Binaliktad niya ang parang tape sa loob at binalik sa dating pagkakaayos pati na rin ang screw. Ikinasa niya iyon sa cassette player at pinatugtog.

Mas lalong wala na siyang maiintindihan sa mga sinasabi. Parang isang alien na kinakain ang salita o isang nalulunod na tao. Papatayin na sana niya ang cassette nang biglang may narinig siyang nagsalitang mahinang boses ng isang babae.

"Tulungan mo ako..."

Napahinto si Enix sa narinig. Tila isang malamig na bagay at kuryente ang dumaloy sa buong katawan papuntang batok. Para ring namamaga ang kanyang ulo sa sandaling iyon. Pinindot niya ang stop at ni-rewind iyon. Pag pindot niya ng play ay narinig niyang muli ang salita, ngunit mas malakas at malinaw na iyon.

"Tulungan mo ako,"

Sa pagkakataong iyon ay hinayaan niya lamang na magpatuloy sa pagtugtog ang casette. Ilang sandali pa at muli niyang narinig ang mga salita.

"Narito ako sa basement, tulungan mo ako," Malamig ang boses niya na parang nanggaling sa ilalim ng balon. Pagkatapos noon ay biglang 

lumakas ang tugtog. Halos sumisigaw na ang nagsalita sa casette. "SINEMENTO AKO NG ASAWA KO!" dali-dali siyang bumaba patungong basement at umiyak sa kanyang ama sa takot.

Matapos itong mahimasmasan ay kinuwento nito sa magulang ang buong pangyayari. Parang mahirap paniwalaan pero iyon talaga ang nangyari. Agad bumaba ang mag-anak sa basement. Napansin na rin pala ng mga magulang ang isang parte ng sahig sa basement na parang mas bagong sinemento kumpara sa iba. Lumabas ito ng bahay at humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Hindi na rin niya sinabi ang tungkol sa nangyari sa anak at baka magtaka lamang ang mga tao. Mahirap na, bagong salta ang mga ito sa lugar at mahirap na pag-isipan sila na nababaliw. Kailangan lang naman nila ang presensya ng

kapitbahay upang may ibang saksi kung ano man ang matagpuan nila sa basement.

Agad namang tumulong ang ibang kapitbahay. Binakbak nila ang semento ng sahig. Nang makita na nila ang parteng lupa ay medyo hinukay iyon at nakita nila ang nabubulok na bangkay ng isang babae. Agad tumawag ng pulis ang ina ni Enix. Sinabihan din kami ni Papa na h'wag na muna lumabas ng bahat at hindi raw kaaya-aya ang sitwasyon. Paminsan minsan ay sumisilip si Enix sa may tirasa ngunit sa tuwing mahuhuli siya ng kanyang ama ay agad siyang pinapapasok. 

Lumipas ang ilang araw at naulinigan ni Enix ang pag-uusap ng magulang. Ayon sa mga ito, napa-uwi na raw ang suspek mula sa ibang bansa. Siguro daw ay matatahimik na ang kaluluwa ng ina. Napansin ni Enix muli ang cassette player at mga tape at isinauli na lamang iyon sa dating lugar. Ayaw na niyang pakialaman iyon.

Ilang taon din ang lumipas bago naibentang muli ng kanilang pamilya ang bahay. Iniwan din nila ang mga pagmamay-ari ng dating may bahay. Sila na rin ang naginisyatibo na ipasementong muli ang hinukay na parte. Kailan lamang ay nalaman rin nila na pati pala ang anak na babae ng dating may-ari ay nawawala at hindi pa rin natatagpuan.







Boarding House

Teresa St. Ermita Manila taong 2008. Ang lugar na ito ay tila malayo sa karaniwang lugar sa Maynila. Walang gaanong sasakyan at may mayayabong puno. Nagkakatao ang lugar kapag may pasok sa eskwela. Kung wala ay sarado ang mga kainan at ang mga boarding house ay tahimik. Naging tambayan na nga iyon ng maraming estudyante ng mga unibersidad sa paligid. Siguro dahil sa mga bilyaran na nang-eenganyo sa mga estudyante ng panandaliang libang. Naroon din ang swing kung saan nakakapagpahinga ang ilan, sandaling nalalayo sa pressure ng lipunan.

Naroon din ang lumang shuttle bus na ginagawa ring tambayan ng ibang estudyante. matagal nang hindi umaandar iyon at tila wala na namang pakialam ang totoong may-ari kung sampahan man iyon. Sa gilid noon ay may carinderia. Hindi naman lahat ng naroon ay kumakain, ang iba ay nag-uusap lamang. Si Adrian ay isang Freshman student ng Adamson University. Mauubos ang oras niya kung mag- uuwian siya dahil umaabot ng tatlong oras ang biyahe papunta sa probinsya.

Noong una ay sinubukan niyang maghanap ng matutuluyan sa Zobel St, ngunit dahil nga nahuli na siya ay halos naka-reserve na ang mga espasyo doon. Kahit nga ang mga room for rent na mas mahal sa board and logging option ay puno na. Sa huli ay narating niya ang Teresa St. Makalipas pa ang ilang bisita sa iba't ibang bahay ay may nakita siyang nakapaskil na 'Wanted Male Boarders' sa labas ng pintuan na gawa sa

yero. 

Hindi na siya nagdalawang isipa t kumatok sa pinto. Ilang sandali pa at binuksan iyon ng lalaking may nunal malapit sa may kaliwang labi. Maliit ito, may kabilugan, at kalbo.

"May bakante pa ho kayo?" agad na tanong ni Adrian.

"Meron pa, tara sa itaas."

Tatlo ang kwarto sa itaas na nahahati lamang ng dingding na gawa sa kahoy. Ang bentilasyon nito ay ang awang sa itaas na may nakapaligid na chicken wire. Ang dalawang kuwarto ay pinauupahan nila sa mga boarder at ang isa ay para naman sa mag-asawang may batang anak na nangangalaga ng boarding house.

Masikip ang mga kwarto pero sadyang ganun naman talaga ang bawat boarding house. Sa bawat kuwarto ay apat ang kasya. May maliit naman na sala kung saan ay puwedeng gumawa ng mga assignments ang mga boarder dahil ang kwarto ay masikip na sa mga gamit. May maliit din na kusina na kasunod ang paliguan.

Kahit na alam niyang hindi magiging kumportable ang pagtira doon ay wala na rin naman siyang pagpipilian. Nagbayad na rin siya, one month advanced, one month deposit. Kahit ba napakaraming bawal na gawin doon, gaya ng bawal ang magdala ng ibang gamit maliban sa charger, unan, kutson, at mga pangunahing pangangailangan mo. Kung magdadala ka ng electric fan ay may dagdag na bayad iyon. May oras din ng paglalaba, limitado din ang paggamit ng tubig.

Hindi pa siya nakaka-isang linggo ay may nagbalita na sa kanya tungol sa dating boarder na nagbigti sa loob ng CR. Kung anong dahilan ay 

hindi na niya inalam. Minsan sa mga boarding house ay hindi na bago ang mga balita tungkol sa ganoon. Sa sobrang pressure at anxiety kasi na nararamdaman ng estudyante, minsan ay hindi na nila kinakaya iyon. Isa pa naroon si Adrian hindi para maki-tsismis kung hindi ang mag-aral.

Dumating ang gabi na nag-iisa si Adrian sa boarding house. Ang iba niyang kasama ay umuuwi tuwing Biyernes ng gabi, samantalang siya ay kailangan um-attend ng ROTC tuwing weekend. Kahit na nga ba ayaw niyang maiwang mag-isa sa bahay na bago-bago pa lang nagiging pamilyar sa kanya. Nagulat din siya nang malaman niyang kailangang umuwi ng tigabantay ng bahay tuwing Biyernes. Wala rin doong telebisyon na p'wedeng maglibang sa kanya. Sa huli ay nilibang na lamang ni Adrian ang sarili sa paglalaro ng mobile games. Kapag nagsasawa ay nakikinig siya sa mga musika na naka-save na sa kanyang phone.

Kapgdakay sinimulan niyang tingnan ang mga litrato na kinuhanan niya gamit ang kanyang phone kasama ang kanyang mga boardmates. Ilang sandali pa ay natuon ang kanyang pansin sa isang picture ng dalawa niyang ka-boardmate na magkaakbay. Zinoom niya 'yon sa bandang gilid nila at laking gulat niya nang may mukhang nakasali sa picture na iyon. Imahe iyon ng isang lalaki, ang mga edad siguro niya ay naglalaro sa 17-19 anyos. Tumayo ang kanyang balahibo sa nakita. Isip-isip niya, ito kaya ang sinasabi nilang nagpakamatay sa loob ng banyo?

Matapos ang kanyang ROTC ay mabilis ding binalot ng dilim ang araw. Hindi niya alam ngunit balisa kanina pa ang kanyang pakiramdam. Para bang may panganib na nagbabanta sa kanya o nagmamasid sa bawat galaw niya. lisa siya sa bahay ngunit para bang punung-puno iyon. 

dahan-dahang naubos ang mga tao na naglalakad sa labas. Dumating din ang oras na kailangan nang matulog, ngunit hindi dalawin si Adrian ng antok.

Bago pa siya pumasok sa kwarto ay binuksan niya ang ilaw sa may hagdanan. Hindi niya na rin sinarado ang pintuan at may kurtina naman. Isa pa, inaanyayahan nitong pumasok ang hangin na nagmumula sa labas. Humiga siya at pinikit ang kanyang mga mata. Pinilit niyang makatulog kahit ilang beses pa siyang pumihit-pihit at ibahin ang p'westo ng kanyang higa. Masakit na ang kanyang batok ngunit tila ba matagal pa ang pagdalaw ng antok. Ilang sandali pa at tagumpay siyang nakapasok sa kanyang panaginip. Sa kasawiang palad ay bandang ala-una nag madaling ara nang siya ay magising. Naalala niya ang sabi sa kanya na sa oras na magigising niya nang madaling araw nang walang dahilan ay siguradong may nanonood sa kanya. Ngunit sino namang manonood sa kanya gayung nag-iisa lamang ito.

Dala yata ng pagkatuyo ng kanyang lalamunan ay nasamid siya. Siguro na rin dahil sa ilang ulit siyang lumunok nang dahil sa kaba ay natuyot ang kanyang bibig. nasa may kusina ang lalagyan ng tubig at nagdadalwang isip siya. Hindi niya alam ngunit bigla niyang naalala ang estudyante na nabigti sa banyo. Kasunod na kasi ng kusina ang banyo kung saan naganap ang malungkot na pangyayari.

Sa huli ay hinda na nakatiis si Adrian at tumayo na. Pagtayong-pagtayo niya ay nakita niya ang anino ng lalaki na nasa likod ng kurtina ng kanyang pintuan. Kahit pa madilim iyon ay sumisilip din naman ang ilaw na nasa may hagdanan. Sigurado siyang may tao sa liko ng kurtina.

"Sino yan?" kinakabahan niyang taong.

Saktong lalapit si Adrian ngunit biglang nagtatakbo ang anino patungo 

sa kusina. Hindi niya alam ang pumasok sa kanyang isipan at sinundan niya ito. Ngunit sa kataka-takang pangyayari ay walang tao sa may kusina. Tila ba napakaimposibleng pangyayari iyon dahil wala nang malulusutan doon. Inisip pa ni Adrian sandali na baka ito pumasok sa loob ng banyon. Nagdalawang-isip pa siyang buksan ang banyo ngunit kailangan niyang makasigurado na walang ibang tao na nakapasok sa kanilang boarding house. Mahirap na at baka siya pa ang

mapagbintangan kung sakaling may mawawala doon.

Bago pa buksan ang banyo ay dinampot niya ang makapal na bakal na ginagamit ng kanyang ka-boardmate. Maingat at dahan-dahan niyang tinungo ang banyo. Nang makarating siya sa harap ng pintuan ng banyo ay sinalya niya iyon, umaasang magugulat kung sino man ang nasa loob noon. Laking pasasalamat niya nang wala siyang nakita doon. Isang malakas na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan. Uminom na rin siya ng tubog para maibsan naman ang tuyo niyang lalamunan.

Sa sandaling ibabalik na sana niya ang baso ay napansin niya ang mga paa na nakasilip sa ilalim ng lababo. Unti-unti siyang umatras palayo sa taong nagtatago sa ilalim ng lababo. Ngunit aktong tatakbo siya palayo ay bigla siyang sinunggaban ng lalaki. Sinakal si Adrian ng lalaki. wala itong mga mata at nangingitim ang mga labi. May marka rin ito ng lubid sa kanyang mga leeg. Sinubukan niyang sumigaw ngunit walang tinig na lumalabas sa kanyang bibig. Bago pa siya mawalan ng ulirat ay nagsalita ang lalaki.

"Walang gigising!"

Matapos iyong marinig ni Adrian ay bigla silang nagising. Ilang beses pa siyang nagtanong kung totoong panaginip lang talaga ang lahat. Nang mahimasmasan siya ay bigla niya ulit naramdaman ang tuyo niyang 

lalamunan. Muli na naman siyang naghahanap ng tubig. Bumangon si Adrian at muli niyang nakita ang anino ng lalaki na nakatayo sa likod ng kurtina. Gaya sa kanyang panaginip ay tumakbo iyon sa aktong lalapitan niya ito. Ngunit kaiba sa kanyang panaginip ay hindi niya hinabol ito, bagkus, tinakbo niya ang pintuan at sinara iyon.

bumalik siya sa pagkakahiga at nagtalakbong ng kumot. Tinakpan niya rin ng unan ang kanyang mga mata. Ilang saglit pa at naramdaman niya ang mga yabag ng paa sa loob ng kanyang kwarto. Papalapit iyon sa kanya, ngunit wala siyang lakas ng loob upang tingnan kung sino man iyon. Naramdaman niya na lamang na may malalamig na kamay na dumampi sa kanyang mukha. Kahit na nga ba nakabalot siya ng kumot at may nakapatong na unan sa kanyang mukha ay damang-dama niya ang lamig na nasa kanyang pisngi.

Hindi na nakatulog si Adrian ng araw na iyon, hinintay niya na lamang mag-umaga at darating na rin naman ang kanyang mga ka-boardmate. Pagdating ng hapon ay isa-isa na ngang nagdatingan ang mga iyon. Nagbiro pa ang mga ito at nagulat nang malaman nilang kinaya ni Adrian na magpalipas ng gabi doon na nag-iisa.

Kalaunan ay nalaman niya ang dahilan ng pagpapakamatay ng estudyante sa loob ng banyo. Sinasabing bumagsak daw ito sa isa sa mga subject niya sa eskwela hangang hindi na raw ito pumasok. Hindi rin daw alam sa kanila na hindi na ito pumapasok. Isang araw ay nakita na lamang nilang nakabigti ang kaibigan sa banyo.

Wala na si Adrian sa boarding house na iyon. Lumipat na ito sa may Zobel malapit sa Bakery. Isang araw ay nabalitaan niya na lamang na may nagpakamatay muli sa boarding house na iyon. Si Kuya Eric na dati niyang ka-boardmate. Ang pinagtataka niya lamang ay kung bakit siya 

nagpakamatay. Wala rin makapagsabi ng dahilan kung bakit niya

ginawa ang bagay na iyon. Kung ano man ang nangyari sa boarding house sa taas ng bilyaran ay nanatiling misteryo hangang sa ngayon.




Ang Saksi



Ako si Mina, isa akong saksi sa isang karumaldumal na krimen.

September 28, 2011 noon ng magsimula ang mga sunud-sunod na hindi maipaliwanag at nakagigimbal na pangyayari na hindi ko

makakaimutan.

Nagmamadali akong umuwi galing sa aming opisina sa Quezon Ave. Kailangan ko kasing mag-overtime at tapusin ang iba ko pang naiwan na trabaho sa opisina. Inabot tuloy ako ng gabi.

Bago ka makapunta sa main road kung saan puwede kang makapara ng sasakyan ay dadaan ka muna sa liblib na lugar. Kadalasan nga ay may itinalagang bantay ang ibang opisina dito upang panatilihing ligtas ang kanilang mga empleyado ngunit noong mga sandaling iyon ay parang hindi ko makita ang mga bantay. Lalo tuloy akong kinabahan. Noong isang buwan lang kasi ay naitakbo ang kasamahan ko sa trabaho sa ospital matapos may magtangkang magnakaw sa kanyang bag at nanlaban siya. Nasaksak tuloy siya sa likuran dahil sa pagpupumilit niyang mabawi ang bag.

Ang daan matapos mong lumiko ay sadyang madilim na. Dati naman ay may mga poste ng ilaw sa paligid pero laging may sumisira noon. Hindi mo tuloy maiiwasan ang hindi mag-isip ng masama sa tuwing lalakad ka sa daan na iyon. Makakahinga ka lamang ng maluwag matapos mong lagpasan ang Metrobank at ang isang kilalang pizza store. Pero habang wala ka pa roon, kailangan mong manatiling alerto at baka may bigla na lang humatak sa iyo. 


Mayamaya ay may narinig akong parang nag-aaway sa di kalayuan. Didiretso sana ako ng nakita kong may isang malaking lalaki na pilit hinahatak ang isang babae. Nagtago ako sa mga nakatanim na halaman sa gilid. Alam kong kailangan niya ng tulong ng mga oras na iyon, pero ano namang maitutulong ng isang patpatin na kagaya ko. Tatawag sana ako gamit ang phone pero natatakot ako na baka mag-ingay pa iyon at marinig ako ng lalaki. Nagdasal na lamang ako na sana ay may taong dumaan sa mga oras na iyon.

Sa kasamaang palad ay mukhang walang ibang tao na dadaan doon. Kitang-kita ko kung paano siya sakalin ng lalaking iyon gamit ang kanyang necktie na nakapalupot sa leeg nito gamit lamang ang isang kamay. Habang sinasakal siya nito ay ginilitan niya ang leeg at sumirit ang dugo nito. Tila tuwang-tuwa ang lalaking iyon nang makita na parang naging fountain ang pagsirit ng dugo. Kailangan kong hawakan ang aking bibig sa takot at baka bigla na lamang akong sumigaw. Pinagmasdan pa siya ng lalaki hangang sa matapos ang paghihirap ng kawawang biktima para ba siyang nanood ng isang magandang pelikula.

Nakapaling ang mga mata ng biktima sa akin ng mga panahong iyon. Para bang nakita ako ng biktima bago siya malagutan ng hininga. Matapos noon ay hinatak ng lalaki ang walang malay na katawan ng babae, isinilid niya iyon sa body bag na tila pinaghandaan na niya at inilagay sa trunk ng kotse. Kinuha niya ang tubig na nakalagay sa isang 4 gallon na mineral water at binuhusan niya ang dugo na kumalat sa daan. 


Mayamaya pa ay pinaandar niya ang sasakyan. Halos hindi ako humihinga nang madaanan niya ang lugar na pinagtataguan ko. Namumukhaan ko siya. Empleyado rin siya sa lugar kung saan ako nagtatrabaho. Hindi ako maaring magkamali, nakasabay ko na siya ng ilang beses sa elevator.

Matagal-tagal bago ako nakatayo. Nanginginig pa rin ako nang

nagsimula akong maglakad. Para bang bumabaon sa putikan ang mga paa ko. Pagdaan ko sa pinagyarihan ng krimen ay nagmadali akong lumakad. Hindi ko na yata namalayan na lumagpas ako sa Metrobank sa sobrang pagmamadali.

Hindi ko alam kung didiretso ako sa presinto at hihingi ng tulong. Pero nag-aalala ako na kapag nagsumbong ako ay magaya ako sa sinapit ng babaeng iyon. Napagdesisyunan kong umuwi na lamang at magpahinga at kapag kalmado na ako ay saka na lamang ako magpapasya.

Pagdating ko sa bahay ay hindi na ako nakakain sa sobrang balisa. Ang itsura ng mukha ng babeng iyon habang nakatingin sa akin ay hindi ko matanggal sa aking isipan. Gusto ko sanang tumawag sa aking magulang at makitulog sa kanila pansamantala pero hindi ko na ginawa. Gabi na rin kasi at ayaw ko pa silang mag-alala.

Halos hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Maiidlip ako panandalian ngunit ang simpleng kaluskos ay magpapakaba sa akin. Parang akong abnormal na takot na takot kahit man lamang sa simple ihip ng hangin.


Sandali pa ay biglang tumunog ang aking cellphone. Madaling araw na kaya hindi ko alam kung sino ba ang tatawag na 'yon. Isang unknown number ang tumatawag, madalas kapag ganito ang nag-reregister na numero ay tiyak na number ito sa isang opisina. Anong opisina naman kaya ang bukas sa ganitong oras? Ayaw ko sanang sagutin iyon dahil baka nanloloko lang pero sa huli ay sinagot ko pa rin.

"Hello, sino to?" tanong ko sa kabilang linya. "Tulungan mo ako! Alam kong nakita mo ang lahat. Tulungan mo ako!" Tumindig ang balahibo ko sa narinig ko. Nabato ko ang phone ko sa sobrang takot. Biglang nag- loud speaker ang phone, "Tulungan mo ako!" tinakbo ko ang phone at pinatay.

Nagpasya akong palipasin na lamang nag magdamag. Sino nga naman ba ang makakatulog pagkatapos kang makatanggap ng ganoong tawag? Buti na lamang at hindi na nasundan ang nakakatakot na pangyayaring iyon.

Wala akong gaanong naitulog noon pero pumasok pa rin ako sa opisina. Napansin pa ako ni Manong guard noon.

"Aba Ma'am namamaga yata ang mata niyo. Overtime kasi kayo ng Overtime." Naging kabiruan ko na ang guard doon. Siguro ay dahil sa 2 years na rin akong nagtatrabaho doon at madalas kong malimutan ang aking ID kaya pinahihiram niya ako ng guest pass.

Sumakay ako ng elevator, pinindot ko ang 23 floor. Solong-solo ko yata ang elevator ng mga oras na iyon. Pero bago siya magsara ay humabol ang isang lalaking pamilyar sa akin. Siya ang nakita kong lalaking pumatay doon sa babae.

"Hello" magiliw na bati ng lalaki, hindi mo aakalaing isa itong kriminal sa ayos niya. Tumango na lamang ako, ayaw ko namang mahalata niyang hindi ako kumportable na kasama siya at baka isunod pa ako. "Nag-overtime ka raw kahapon? Anong oras ka umuwi?" natakot na ako sa sobrang pagkausisa niya sa akin.

"Maaga lang, bago pa lang dumidilim noon," pagsisinungaling ko, ayaw kong malaman niya na ginabi ako at umuwi noong oras na ginawa niya ang krimen.


Biglang bumukas ang elevator at lumabas ako. 18th floor pa lang pala yon. Paglingon ko ay nakita kong masama ang tingin ng lalaking iyon sa akin. Mukhang alam na niya na may alam ako sa ginawa niyang krimen. Tutunguhin ko sana ang fire exit para dumaan doon at umakyat sa 23rd floor para makahingi ng tulong sa mga ka-opisina ko ngunit hindi ko alam kung bakit ayaw bumukas ng pintuan ng fire exit, para bang may pumipigil sa loob.

Tumakbo ako pabalik sa isa pang elevator. Eksaktong nagbukas ang elevator, pababa iyon pero sumakay na rin ako. Papasok na ako nang makita kong muli ang lalaki na lumabas ng fire exit. Kinilabutan ako, kung dumaan pala ako ng fire exit ay nakasalubong ko na siya.

"Sandali!" sigaw ng lalaki, muntik na siyang makapasok sa elevator bago ito nagsara. Dumiretso ang elevator sa ground floor at hindi na iyon bumukas pa sa iba pang floor. Sa ibaba ay agad akong humingi ng tulong kay Manong Guard. Sinabi ko agad sa kanila ang aking nalalaman. Matapos noon ay pinagtago muna niya ako.

Makalipas ang ilang sandali ay dumating ang lalaking iyon at nagtanong kay manong guard kung nakita ba nila ako. Buti na lang at pinagkaila ako ni Manong. Sinabi nilang lumabas ako ng building at nagtatakbo. Dali-dali namang umalis ang lalaki. Mayamaya pa ay dumating na ang mga pulis at hinuli ang suspek sa pagpatay.

"Wala kayong ebidensiya na ako ang pumatay" galit na sigaw ng lalaki.

"Nakita ko ang lahat, nakita ko kung paano mo siya sinakal ng necktie mo gamit ang isang kamay mo, at ginilitan mo siya ng leeg. Nakita ko kung paano mo siya nilagay sa isang bodybag at binuhusan ng tubig ang mga nagkalat na dugo sa daan," sagot ko sa kanya.

Tiningnan niya ako ng masama para bang sinasabi niya na "kapag nakawala ako dito ay isusunod kita." Dinala na siya ng mga pulis at hiningan na rin ako ng statement.

Pagkalipas ng ilang minuto ay may mga empleyado na nag-reklamo tungkol sa elevator.

"Manong pasabi sa technician, maki check yung elevator. Kanina nilagpasan lang kami ng elevator, pinindot naman namin yung button," wika ng isa

"Ako rin manong nasa 12th floor kami noong hinintay naming bumukas yung elevator pero nilagpasan din kami," segunda pa ng isa.


Naalala ko ang nangyari kanina, ang pintuan sa fire-exit na hindi mabuksan at ang elevator na dire-diretsong bumukas. Hindi kaya tinulungan ako ng kaluluwa ng babae na iyon para rin matulungan ko siya. Kung nakapasok ako sa fire exit na iyon ay siguradong mapapatay niya rin ako. Kung ang elevator naman ay tumigil tigil sa iba pang floor, tiyak na maabutan niya ako sa baba at hindi makapagtatago.

Kung ano mang misteryo ang nangyari noong araw na iyon ay hindi ko alam.

Tungkol naman sa biktima, nakuha ng pamilya niya ang hustisya para sa pagpatay sa kanilang anak. Hindi lang pala iyon ang pagkakataong may pinatay siya. Anim na counts of murder ang inihatol sa kanya. Hinatulan siya ng mababang hukuman ng habang buhay na pagkakabilanggo. Ngunit 3 buwan matapos ang kanang pagkakakulong ay nakita siyang patay sa loob ng selda. Inatake raw siya sa puso, ang kanyang itsura noong araw na iyon ay parang nakakita siya ng nakakatakot na bagay.


Next Post Previous Post
No Comment
Add Comment
comment url