If You Love Me
Chapter One
“DO WE REALLY HAVE TO DO THIS, Papa?” tanong ni Tina na atubiling sumunod sa ama papasok sa kantina ng domestic airport sa Cebu. “Kailangan,” tugon ni Atty.
Aguilar. “Hindi ka na lang dapat umuwi dito sa Pilipinas.” “But I missed you!” pakli niya. “Ilang taon na tayong hindi nagkikita.” Pansumandali silang naupo sa isang mesa sa sulok. “How about you, Pa? Ano na ang mangyayari sa ’yo?” worried niyang tanong. “I’ll be fine,” tugon nito. “Hindi pa naman nila siguro ako gagalawin; that is, if I play my cards right.” Napatingin sa labas ang mag-‐‑ama kung saan nandoon ang tatlong lalaking mula pa sa pagsapit nila ng airport ay susunud-‐‑sunod na sa kanila. “Mga tao ni Congressman ang mga iyon,” bulong ng ama niya. “Go to the ladies’ room, quick! Doon ka na magpalit.” Taranta siyang napatayo patungo sa rest room. Kasabay noon ay itinulak ng isa sa mga lalaking nagmamatyag sa mag-‐‑ama ang isang kasama nito. “Hayun, tumayo ’yung babae!” anito. “Sundan mo!” Napilitang pumasok ang nautusan sa kantina. Noon naman ay nag-‐‑o-‐‑order ng kape si Atty. Aguilar. Pailalim ang tingin nito habang nagmamasid at nang makita ang isa sa mga lalaki na nagtungo sa direksyon ng rest room ay kinabahan ito para sa anak. Pumasok sa men’s room ang lalaki ngunit sandali lang ito roon at kaagad ding bumalik sa mga kasamahan sa labas. “Umihi lang,” report nito. Mga kalahating oras nang nakakapasok sa kantina ang mag-‐‑ama; nainip na ang mga kaduda-‐‑dudang karakter. “Ang tagal naman!” anang isa. “Puntahan mo nga ulit!” “Bakit ako?” angal nito. “Si Toto naman!” “Ikaw na nga, Toto!” utos ng leader ng tatlo. Nag-‐‑ iisa pa rin sa kantina ang matandang lalaki; dapat ay nandoon na ang anak nitong sexy. Minabuti ng lalaking nagngangalang Toto na pumunta sa may rest room upang doon mag-‐‑ abang. Pupuwesto pa lamang ito sa entrada, kung saan ang kanan ay men’s room at sa kaliwa ay sa ladies’ room, nang lumabas mula roon ang isang punk na binatilyo at nabunggo pa ang nagbabantay sa labas. Umaktong bubunot ng baril ang lalaki. “Hey, Yo!” anang punk na sinenyasan ng dirty finger si Toto. Hindi nakaporma ang goon dahil may mga lalaki pang napadaan upang magtungo sa men’s room; may ilan ding babae ang lumabas mula sa ladies’ room na nabunggo rin ito. Ilang sandali silang naggirian ng punk na walang takot siyang hinarap. Nakakaasar ang hitsura nito habang ngumunguya ng bubblegum. “Pasalamat ka’t totoy ka pa,” ani Toto. “Kung di’y pasasabugin ko ang ulo mo!” “Oh, yeah?” tugon ng punk na umastang naghahamon ng away. Bumuka ang bibig nito at sinabi nang walang tunog ang four-‐‑letter word na nagsisimula sa ‘F’ at saka ito kumaripas ng takbo palabas ng kantina. Hahabulin sana ito ng lalaki ngunit pinigil siya ng kasama nito na noon ay nakasunod na sa loob ng kantina. “Ano ba! Babae ang pinaabangan sa ’yo at hindi kung sinong punk,” anito na itinulak pabalik ang kasama sa may entrada ng rest room. “Nakalabas na ’yung ama pero ’yung babae’y hindi pa rin!” “Nasa’n si Boyong?” tanong ni Toto. “Sinundan ’yung matanda!” inis na tugon ng leader. “Pasukin mo na kaya?” “Tsong naman,” angal ni Toto, “CR ng mga babae ’yan; baka pagsasampalin ako ng mga ’yon!” “Ang tanga mo kasi, eh,” asar na sabi ng leader. “Kung sinu-‐‑sino kasi ang hinarap mo!” Ilang babae na ang lumabas ng rest room ngunit hindi ang sexy na babaeng inaabangan nila. Nang nakasigurong bakante na ang rest room ay saka sila pumasok. Wala roon si Tina. Siniyasat ng dalawang lalaki ang mga cubicle ngunit wala rin sa mga iyon ang dalaga. May maliit na bintana ang cubicle sa bandang dulo. Bukas iyon. Nasapak ng leader ang kasama dahil sa galit. Nalusutan sila dahil maliwanag na ebidensya ang bakas ng sapatos sa ibabaw ng tangke ng toilet bowl kung saan tumuntong ang babaeng tinutugis nila. Kaagad na lumabas ang dalawa upang habulin kung saan man napadako sa airport ang babae. Malamang na papasakay na ito sa isa sa mga eroplanong papaalis ng Cebu. Nasalubong nila ang kasamahang si Boyong. “O, nasaan ang matanda?” “Sumakay na sa kotse,” tugon nito. “Inalertuhan ko na sina Paquito sa labas; susundan na lang daw nila.” “Bilis, maghiwa-‐‑hiwalay tayo!” utos ng leader. “Toto, d’un ka sa mga papuntang Cotabato. Boyong, d’on ka sa mga papuntang Cagayan de Oro at ako naman sa mga papuntang Maynila!” Ngunit napakarami ng mga papasakay sa mga eroplanong papunta sa iba’t ibang destinasyon. Muling nagkita-‐‑kita ang tatlo. “Ano ang sasabihin ngayon sa ’tin ni Boss?” nag-‐‑aalalang tanong ng isa. “Mga tanga kasi kayo,” anang leader. “Malamang na kung saan-‐‑saan tayo idestino para hanapin lang ang babaeng iyon!” “Pero nandito pa naman ang ama, hindi ba? Bakit hindi na lang iyon ang tutukan natin at paaminin kung saan niya pinatakas ang kanyang anak?” “Huwag daw nating gagalawin ’yung ama dahil iyon ang nag-‐‑aasikaso ng kaso ni Tony,” tugon ng isa. Lulugu-‐‑lugong lumisan ng domestic airport ang tatlo. Pagdating nila sa kanilang sasakyan kung saan nandoon ang iba pa nilang mga kasamahan ay kaagad na rumadyo sa iba pa upang higpitan ang pagmamanman sa exit points. Si Toto ang napagbuntunan ng galit ng kanilang leader. “Kung bakit kasi.. . Kuu, ang tanga-‐‑tanga mo!” Nagsakayan na ang goons sa kanilang sasakyan at lahat ay kabado dahil natakasan sila ng babae— iisang babae lamang samantalang sila ay sampu. Tiyak na malilintikan sila sa kanilang big boss!Chapter Two
NAPEPESTE NA SI JULIAN sa pangungulit ni Ingrid. Lahat ng posibleng paraan ng komunikasyon ay ginamit na nito para ipaalam na kailangan nilang mag-‐‑usap. “Walang tigil ang beep sa akin,” naiinis na sabi ni Julian kay Eric habang naggo-‐‑golf sila. “Walang tigil sa pagpapadala ng mensahe sa fax, sa cell phone, sa beeper! Malamang kung alam niya ang E-‐‑mail address ko’y. . What’s a man to do, kapag ganoon naman ang babae?” “Ang dapat mong gawin ay pumunta sa bundok,” natatawang suhestyon ng kausap. “Pero bago mo gawin iyon ay dapat mo munang alamin kung ano ang sasabihin niya. Malay mo, it’s for your own advantage.” “Sa palagay mo ba’y ang tipo ni Ingrid ang magbibigay ng advantage kahit kanino?” cynical na tanong niya. “Kilala mo naman ang babaeng iyon.” “Kunsabagay,” tugon nito. “Si Ingrid ay parang lagaring pangyelo—iurong, isulong, palaging may kabig.” Nagtawanan ang dalawang lalaki. “Sa tingin ko nga’y kailangan nang harapin si Ingrid,” buntunghininga niya. “She’s all over me like a case of measles! Nabubuwisit na talaga ako.” Ang kabuwisitang iyon sa dating nobya ay lumabas sa performance niya sa laro nila ng kaibigan. “Pare,” kantiyaw ni Eric, “i-‐‑align mo nga ang sarili mo’t nakakatuwa ka! Wala kang kuwentang kalaro!” Sumimangot lang siya. “Babae lang iyan, Pare,” dagdag pa nito nang palabas na sila ng golf course. Pagdating sa bahay ay alam na ni Julian ang dapat asahan. “Ilang beses nang tumawag si Ma’am Ingrid,” salubong ng kanyang mayordoma. “Nakatatlo na ring mensahe sa fax.” “Hayaan n’yo lang, Aling Fina,” pakli niya na dumeretso sa hagdan upang pumanhik sa kanyang silid. “Pupuntahan ko na ho siya ngayong hapon pero. . ipag-‐‑impake n’yo ho ako ng mga damit. Baka maisipan kong umalis mamayang gabi.” “Saan ka pupunta?’ tanong ng mayordoma na nakatingala sa amo. “Kung saan ko ho maisipan,” tugon niya. “’Yung mga pangkaraniwang damit na isinusuot ko ang iimpake n’yo; siguro’y d’yan lang sa malapit ako mapunta.” “Sige,” sagot nito na kahit naguguluhan sa utos ng amo ay handang sumunod. Inihanda niya ang sarili sa pagharap kay Ingrid. Alam niyang hindi magiging smooth sailing ang kanilang usapan. Noon pa ay masalimuot na ang kanilang relasyon—relasyon na naging maganda sana ang takbo kung hindi siya tila sinakal ni Ingrid sa mga pagseselos nitong wala sa lugar; mga paratang na wala namang prueba. Inisip nga niya kung bakit tumagal sila ng halos isang taon. “She wanted to dominate me,” bulong niya sa sarili. “Well, I’d prove to her na hindi niya ako kaya, kahit siya na ang pinakahuling babaeng dumating sa buhay ko, kahit wala na akong makuhang kasing-‐‑ganda niya.” Hindi kaila sa kanya na si Ingrid Vasquez ang pinakamagandang babaeng nakilala niya sa tinagal-‐‑tagal niyang pakikisalamuha sa mga elitista ng Maynila. Ang babae ay isa sa mga pinakamagandang debutante ng alta-‐‑ sosyedad; walang makakalimot sa perpektong ganda nito dala ng Spanish ancestry. Magarbo itong manamit at walang habas sa budget kung mag-‐‑shopping. Isa marahil sa dahilan kung bakit niligawan ni Julian si Ingrid ay she was an asset to a man’s vanity. Sabi nga minsan ng kabarkada niya: “Kaiinggitan ka ng maraming lalaki kapag ganyan kaganda ang kasama mo!” Hindi lang nila alam ang tunay na kulay ng babae. NANG KAHARAP NA NI JULIAN si Ingrid at marinig ang tungayaw nito ay naalala niya kung bakit siya nakipag-‐‑break dito. “Dumating ka pa!” taas-‐‑kilay nitong salubong. “Hindi ko alam kung ano ang nais mong sabihin.” “Siyempre, importante!” “Sa tingin ko nga,” malamig niyang tugon na pinagmamasdan ang kaharap. Sa kabila ng ganda nito ay wala na itong pang-‐‑akit sa kanya. “Ganoon ka na ba kadesperada at hindi mo tinantanan ang beeper ko, cell phone at fax machine?” Humilig ito sa kanyang kaliwang braso. Taas-‐‑noo, nakahayang sa paningin niya ang elegante nitong leeg at mala-‐‑kremang dibdib. “Miss na miss na kita,” malambing nitong sabi. “Lalo ka yatang gumuwapo?” “Iyon lang ba ang sasabihin mo?” tanong niya na hindi interesado sa mga narinig. “Sabihin mo na ang nais mong sabihin at marami pa akong appointment ngayong hapon.” “Ow?” tugon nito na ikinumpas ang kamay. “Umupo ka muna kasi. Are you trying to intimidate me with your height? But then again, that has always been one of the things I loved about you. . ” Kapag ganoon na ang tono ng pananalita ni Ingrid ay umaalerto si Julian. “Get to the point,” tahasang sabi niya na umupo malayo rito, hindi katulad ng dati na halos maglingkisan sila sa sobrang lapit sa isa’t isa. “All right, all right,” deretsa ring sagot nito. “I’m pregnant.” “So what?” tanong niya na hindi natigatig sa balitang narinig. “Hindi ba dapat si Ramon Santiago ang binabalitaan mo n’yan?” “I don’t care about him!” nakangusong tugon nito. “Siya ay isang pobrecito! Hindi niya kayang magpamilya, let alone ang gastusan ang pagpapakasal sa akin!” “Magkano ang kailangan n’yo?” “Hindi ako humihingi ng salapi,” matigas na sagot nito. “Ang nais ko’y panagutan mo ang batang dinadala ko.” “Sino ang niloloko mo?” Napatayo siya sa galit. “Don’t expect me to marry you just because you’re having a brat. Buti kung akin ’yan!” “Eh, ano kung hindi sa ’yo?” ganti nito. “Wala ba akong karapatang pumili kung sino ang magiging ama ng anak ko?” “Hindi naman ako tanga para sabihing ako nga ang ama,” pinal na sagot niya. “At kung iyan lang ang importanteng sasabihin mo, adios!” Tatalima na sana ang binata para lumabas ngunit inunahan siya ni Ingrid sa may pintuan. “I’m not finished, Julian,” anito. “Kung ganyan ang pasya mo’y makararating ito lahat sa kapatid ko. Alam mo na noon pa ang ugali ni Cedric, hindi ba? Sa lahat ng ayaw niya’y maaagrabyado ako.” “I repeat, Ingrid,” tiim-‐‑bagang sagot niya, “wala akong balak na pakasalan ka o kahit sinong babae. And you and your brother can go to hell.” Lumihis ang direksyon niya upang makaalpas sa nakaharang na babae. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang mga salitang namutawi sa bibig ng dating nobya bago siya nakasakay sa kotse. “This is no blackmail, Julian,” banta nito. “Makararating ito kay Cedric! Bahala na ang mga tao niya sa ’yo!” “Bitch!” bulong niya nang paandarin ang kotse. Gumawa ng maitim na bakas ang mga gulong niyon sa driveway ng mga Vasquez.
Chapter Three
ISANG BINATILYO ang lumabas sa arrival area ng domestic airport sa Pasay City. Kaiibis lang nito mula sa isang eroplanong galing sa Mindanao. Halos iwasan siya ng kanyang mga kapwa pasahero dahil mukha siyang punk, nakatirik ang iisang pulgadang buhok na kinulayan pa ng asul. Napakaluwang ng pantalon at kamisetang itim na suot niya. Mestisuhin ang binatilyo at maliit ang frame ng katawan. Ang tanging dalahin niya ay isang itim na canvas bag. Napakarusing ng kanyang sapatos na puti at mamahalin ngunit mukha namang isang taong hindi nalinis. Dapit-‐‑hapon na. Nag-‐‑alangan ang binatilyo kung tatawag siya ng taxi o sasakay ng bus. Nagkataon naman na may napadaan na bus na patungong Monumento. Bilin sa kanya, puwede siyang sumakay sa mga bus na patungong Monumento at saka siya bababa sa Cubao sa terminal ng mga bus patungong norte. “Ah, bahala na!” anang binatilyo na kaagad na nagpasyang sumakay sa bus. Ang mga babaeng nakasakay sa bus ay ilag sa kanya; ang mga lalaki ay tinitigan siya. Maayos sana siyang tingnan kung hindi niya initiman ang kanyang mga labi at paligid ng mga mata. Kaagad niyang dinukot sa loob ng canvas bag ang bullcap na Chicago Bulls at saka isinuot upang medyo maitago ang kanyang noo pati na rin ang nakakatakot niyang mga mata. “Hah! Sa makeup kong ito, sino pa ba naman ang makakakilala sa ’kin?” aniya sa sarili. May umakyat na matandang pasahero mula sa hulihang estribo. Wala itong maupuan. Napilitan ang binatilyo na paupuin ang matanda. “Salamat, Amang,” anang matandang babae. Tumangu-‐‑tango lang ang binatilyo na mukhang naligayahan sa ginawa. Tumakbo nang muli ang bus sa maluwag-‐‑luwag na lane sa EDSA sa Malibay nang bigla itong nagpreno sa may bandang Magallanes bago umakyat ng interchange. Nawalan ng balanse ang binatilyo; nasagi niya ang isang pasaherong lalaki na kaagad siyang pinitserahan. “Nang-‐‑aasar ka ba?” banta ng lalaking nasagi. “Hindi po! Hindi po!” tugon ng binatilyo na medyo napiyok sa takot. Natawa ang lalaki; akala kasi nito ay kakasa ang punk na binatilyo. “Aasta-‐‑asta ka ng ganyan, lambutin ka naman pala!” Inayos ng binatilyo ang kanyang kuwelyo at lumayu-‐‑layo na lang sa lalaki. “Saan ka?” tanong ng konduktor. “Saan ang daan nito?” tanong niya. “Saan pa, eh, di. . dito! Sa EDSA!” “Hindi, saan pa?” “Ang kulit mo naman, eh,” inis na tugon nito. “Hindi kami liliko o dadaan kung saan. Saan ka ba talaga pupunta?” Mabilis na nag-‐‑isip ang nalilitong binatilyo. Kung alam lang kasi ng mga kapwa niya pasahero na noon lang siya nakasakay ng pampublikong bus. “Sa Makati!” Iyon ang kaagad niyang naisip dahil sa malaking sign board na nakita niya sa tabing-‐‑ daan. “Saan sa Makati?” inis na tanong ng konduktor. “Sa tapat ng Forbes Park.” “Doon lang pala....” inis na sabi pa rin nito habang tinatanggap ang bayad niya. Lalo itong naasar dahil limang daang piso ang ibinabayad niya. “Eh, talaga naman. . Wala ka bang barya?” Umiling ang binatilyo. Kulang na lang ay tabigin ng konduktor ang makulit na pasahero. “Huwag ka na ngang magbayad!” Buong panggigigil na iniabot ang ticket sa kanya kasama ang limang daang piso. Ngingiti-‐‑ngiting isinilid ng binatilyo ang pera sa secret pocket ng kanyang pantalon. Tumigil nang ilang beses ang bus. Itinawag na ng konduktor ang Buendia kung saan dapat nang bumaba ang binatilyo pero kampante pa rin siyang nakatayo sa hulihang estribo. Nasa sumunod na bus stop sa Estrella ay nagulat na lamang ang binatilyo nang sigawan siya ng konduktor. “Hoy, ba’t nandito ka pa? Baba!” “Ho?” nagtatakang tugon niya na kaagad ding kumilos; sobra nang pagkapahiya ang inabot niya sa maikling biyaheng iyon. Sa tapat ng isang gasolinahan siya napababa. Nakakatuwa kasi ang hitsura mo, aniya sa sarili. Dapat ay umisip ka ng ibang hitsura na hindi kapansin-‐‑pansin! Dinukot niya ang panyo sa bulsa at saka pinunasan ang nguso upang maalis ang itim na lipstick saka isinunod ang paligid ng mga mata. Nang maalis ang itim ay nagmukha siyang disente kaya nang magpaalam siya sa gasoline boy para makigamit ng rest room ay pinayagan siya. “Baka may dala kang kung anong pansulat?” Hindi pa rin naiwasang magtanong ng gasoline boy. “Wala,” tugon ng binatilyo na ipinakapa ang kanyang canvas bag. Saka pa lang siya itinuro sa direksyon ng palikuran. Hintay nang hintay ang gasoline boy na lumabas ang isang punk mula sa rest room ngunit wala itong nakita. Isa ring binatilyo ang lumabas ngunit hindi ito mukhang punk. Nakapagpalit na ng costume si Val. Hindi na asul ang kulay ng buhok niya. Ordinaryong maong na lamang ang pantalon niya, ordinaryong kamisetang puti at jacket na maong din. Tanging ang maruming sapatos ang nalabi sa dating kasuotan. Guwapo si Val sa natural niyang ayos. Pinag-‐‑ tinginan nga siya ng ilang kababaihan na naghihintay rin sa bus stop. Minabuti niyang maglakad-‐‑lakad patungo sa direksyon ng Ayala Center. Madilim na ay hindi pa rin malinaw kung saan niya palilipasin ang gabi. Mahirap talaga ang maging bagong salta! naisip niya. Napupunta lang kasi siya ng Maynila kapag kasama ang kanyang mga magulang; kadalasan pa ay upang magtungo sa international airport para mangibang-‐‑bansa. Lumiko siya sa may dako ng Buendia patungo sa direksyon ng Makati Avenue. Nang makita niya ang nakahilerang restaurants ay tila hinila siya ng kanyang mga paa patungo roon. Lumiko siya sa bandang kanan at kasalukuyang nasa tapat ng isang ginagawa pa lamang na gusali nang may biglang humatak sa kanya papasok sa madilim na construction site. “Labas ang pitaka!” utos ng leader ng holdaper na may kasama pang tatlong lalaki. Kaagad na inilabas ni Val ang kanyang pitaka at ibinigay rin ang bag. “Inyo nang lahat,” aniya, “huwag n’yo lang akong sasaktan.” “He-‐‑he-‐‑he,” anang holdaper na siyang may tutok na patalim sa leeg niya. “Magaling na kliyente pala ito, mga tsong! Walang kapalag-‐‑palag!” “Baka habulin tayo at tumawag pa ng pulis!” tugon naman ng isa. “Kaya nga may dala tayo nito,” sabi ng isa pa na inilabas ang isang heavy-‐‑duty na alambre. “Hala, itali ’yan!” utos ng leader. Pinaupo sa pinakamadilim na sulok si Val at kapagdaka’y tinalian ang mga braso at paa; binusalan din ang bibig upang hindi makatawag ng saklolo. Iniwan siyang tila manok na walang kalaban-‐‑ laban. Sa kagustuhang makawala ay nagpipiglas si Val hanggang sa mapahiga siya nang patagilid. Nagpatuloy pa rin siya sa pag-‐‑igkas upang lumuwag-‐‑luwag ang kanyang pagkakatali hanggang maramdaman na lamang niyang nasugatan siya. Nagpagulung-‐‑gulong siya sa madilim na sulok; nasaktan ang buong katawan niya dahil mabato sa kanyang kinasadlakan; narumihan din nang husto ang kasuotan niya. Hindi alam ni Val kung anong uri ng emosyon ang kanyang dapat na madama nang makakawala siya sa pagkakatali. Noon lang niya naranasan ang maholdap. Kung pera ang pag-‐‑uusapan ay wala sanang kaso. Noon, paalala niya sa sarili. Pero ngayon, talagang kailangan ko ang pera! Napakalaki ng natangay sa kanya ng mga holdaper; may ilang piraso pa ng alahas ng nasirang ina ang nasa bag. Ang tanging natira sa kanya ay ATM card at isa pang credit card. Mabuti na lang at nailagay ko ang mga ito sa loob ng sapatos ko! muling naisip niya. Lumakad siya papalabas ng construction site; nagpalinga-‐‑linga muna at baka nakaabang pa rin sa kanya ang mga holdaper. Huminga siya nang malalim bago lumabas sa makipot na labasan. Ang kalam ng kanyang sikmura ay muli niyang naramdaman nang makalabas siya at makatanaw ng isang restaurant. Wala naman siyang matanaw na ATM outlet. Mayamaya ay umupo siya sa may bangketa upang hubarin ang kanyang kaliwang sapatos at kinuha roon ang Visa card. Ito ang magpapakain sa akin! Sa pinakamalapit na restaurant siya nagtungo kung saan nakita niya sa salamin na tumatanggap doon ng card na tangan niya. Entra pa lang niya sa restaurant ay pinagtinginan na siya ng mga waiter at costumer. Dala marahil ng gutom ay hindi naisip ni Val na napakarusing pala niya. May lumapit na waiter sa kanya. “Hindi ho puwede ang ganyang suot dito,” anito. Napakunot-‐‑noo siya. Ano ba ang hitsura niya? “Importante ba iyon?” inis niyang tanong na napatingin sa sarili. Mukha nga siyang yagit! “Wala man akong cash ay mayroon naman ako nito!” Walang epekto ang pagpapakita niya ng credit card. “Walang bisa iyan kung ikaw ang may hawak,” anang waiter na sinimulan siyang itulak papalabas. “Baka napulot mo lang sa kung saan ’yan!” “Makalabas na nga!” aniya na inayos ang kuwelyo ng kanyang polo. Nang muli siyang maglakad ay saka niya pinagmasdan muli ang sarili. Napakadumi nga niya! Tinitigan niya ang hawak na credit card. “Anong karinderya ang tatanggap nito?” tanong niyang napangiwi. Kasalukuyan siyang nasa tapat ng isang parking lot nang matanawan ang isa ring binatilyo na nagpupunas ng isang kotse sa paradahan. Nakaisip ng ideya si Val. Kung gagayahin niya ang ginagawa ng binatilyo ay baka kumita siya kahit barya. Luminga-‐‑linga siya sa paligid at nakatagpo ng kanyang hinahanap—isang bilog na basahan! Dinampot niya iyon at saka nagsimulang pumili ng kotseng lilinisin. Isang magarang kotse ang kanyang napili. Inuna niyang punasan ang windshield sa harapan at saka isinunod ang hood ng makina. Hindi pa mandin siya natatapos sa hood ay sinigawan siya ng binatilyong ginaya niya. “Hoy, teritoryo ko ’to!” Napatigil si Val, sumagot nang pabalang. “At sino ang may sabi sa ’yong iyo ’to?” tanong niya na nagtapang-‐‑tapangan dahil sa kagustuhang kumita ng pambili ng pagkain. Lumapit ito sa kanya. Napalunok siya nang mapansin ang hawak ng papalapit na binatilyo. Bakal na tubo! Ngunit talagang gutom na siya. “Marami namang kotse dito, ah,” aniya na napalunok. “Siguro naman ay puwede mo nang ibalato sa ’kin ito.” “Walang ganyan dito,” tugon nito. “Kapag sinabi kong teritoryo ko ito ay ako lang ang makikinabang!” Umamba ito para hatawin siya ng tubo. Mabilis siyang nakaiwas. Tumama ang tubo sa windshield ng Mercedes Benz! Kasunod niyon ay narinig niya ang sigaw mula sa di-‐‑kalayuan. “Hoy, kotse ko ’yan!” Kaagad na kumaripas ng takbo ang nanghataw at si Val na hindi pa mandin nakakahuma mula sa pagkakailag ang inabutan ng may-‐‑ari ng kotse. Kaagad siyang nasakote. Napapailing ang lalaki nang makita ang basag na salamin ng kotse nito. “How will you pay for that?” “Hindi naman ako ang bumasag d’yan!” tigas na tugon niya. “Pilipitin n’yo man ang leeg ko’y wala kayong makukuha sa ’kin!” “Dadalhin na lang kita sa pulis,” anito na tinanganan ang likod ng kuwelyo niya. “Makulong ka lang, masaya na ako!” “Naku, huwag po!” nagmamakaawang sabi niya na pinagsalikop ang mga daliri sa kamay at astang luluhod pa sa harap ng lalaki. “Maawa na po kayo sa ’kin! Hindi po talaga ako ang sumira sa salamin ng kotse n’yo! Nililinis ko nga po iyan! Maawa na po kayo, Sir. . ” Nag-‐‑isip ang lalaki. Lubhang napakabata pa ng juvenile delinquent na tangan nito. “Kung gayon ay sabihin mo sa akin kung saan ka nakatira para makausap ko ang mga magulang mo,” pagkuwa’y sabi nito. “Wala na po akong magulang. . ” worried na sagot ni Val. “Iyan ang palaging sagot ng mga kagaya mo,” tugon nito. “Nagsisinungaling ka lang.” “Kung may mga magulang man po ako’y hindi rin nila kayang bayaran ’yan,” aniya na napadako ang tingin sa damage ng kotse. “Kung gayon ay sa pulis ka na magpaliwanag,” muling sabi nito. “Wala akong panahong makipag-‐‑lokohan sa ’yo.” “Nakita n’yo naman siguro ang buong pangyayari. . ” naiiyak na saad niya. “Umiwas lang ako para hindi mahataw ng tubo, kung di’y mukha ko ang basag ngayon. Nililinis ko lang itong kotse n’yo para mahingan ko po kayo ng konting barya na pambili ng tinapay.. ’tapos, ganito pa ang aabutin ko!” Nakakaawa ang boses ng binatilyo, naisip ng lalaki. Mataas pa ang boses niya; halatang bata pa talaga. Muli itong napaisip. Nakita nga nito ang buong pangyayari; hindi ang kaharap ang humataw sa salamin ng kotse nito. Where is your sense of justice, Julian Jarlego? tanong nito sa sarili habang nakatitig sa kaharap. Hindi mukhang karaniwang delingkuwenteng pagala-‐‑gala sa kalye ang binatilyo; mukhang noon lang ito nakalayas. “Puwes,” pasya ni Julian, “ibalik na lang kita sa iyong mga magulang at sila na ang bahalang kumastigo sa ’yo. Iyon ay kung marunong silang magdisiplina ng anak.” “U-‐‑ulilang lubos na po ako,” tugon ni Val. “At saka galing po ako sa napakalayong probinsya—” “’Ayan ka na naman sa mga palusot mo,” putol nito na tila nawawalan na ng pasensya. “Kung nagsasabi ka na ba ng totoo’y tapos na ang usapin!” “Wala po talaga akong maipapatunay kahit ano tungkol sa kung sino ako at kung taga-‐‑saan dahil naholdap pa ako kanina,” pakli niya na ipinakita ang kanyang mga braso at wrists. “Para akong hayop na itinali. . Tinangay po nila ang pera ko.” Pilit inaninag ni Julian ang mga braso ng binatilyo. May discoloration nga sa mga iyon at may marka pa ng natuyong dugo. Walang matinong tao ang sasaktan ang sarili ng ganoon. Noon din ay may nadamang kirot si Val sa bahagi ng kanyang leeg na natutukan ng patalim. Noon lang niya nalaman na nagurlisan pala siya roon. “May sugat ka pa sa leeg,” naaawang sabi ni Julian. “Kung napalalim iyan nang konti’y patay ka na.” “Maawa na po kayo,” muling pakiusap niya. “Gutom lang po talaga ako kaya ako nagbakasakaling kumita ng konting barya dito sa paradahan.” Nag-‐‑isip ang lalaki kung ano ang dapat gawin. “Saan dito sa Makati ang punta mo? May kamag-‐‑ anak ka ba dito kung saan kita puwedeng ihatid?” Umiling siya. Para matapos na ang usapan ay nagpasya na muli si Julian. “As of now, pauwi na ako pero agad din akong aalis patungo sa ibang probinsya,” atubiling sabi nito. “Isama n’yo na lang ako, Sir!” biglang suhestyon ni Val. “Mapapakinabangan n’yo po ako kahit papaano! Konti lang akong kumain. Marunong po akong mag-‐‑alaga ng hayop!” “Anong hayop ang kaya mong alagaan?” natatawang tanong nito. “Eh. . aso po,” kiming sagot niya dahil iyon talaga ang totoo. “At saka. . pusa.” “Sige, sumakay ka na at isasama kita sa bahay,” naiiling na binuksan nito ang pinto sa may driver’s seat. Bagaman basag ang windshield ay alam nitong hindi pa iyon bibigay. Pagdating sa bahay ay alam na kaagad ng mayordoma kung ano ang iuutos ng amo. “Aling Fina, ang mga bagahe!” “Nakahanda na,” tugon nito na nagtaka nang makitang may kasamang binatilyong gusgusin ang amo. “Ihanap mo rin ng maisusuot si. . Ano nga pala ang pangalan mo?” baling ni Julian sa kasama. “Val,” tugon ng binatilyo. “Valentino po.” “Valentino.. what?” “Agui. . Aguinaldo po!” “From Cavite?” “Ho? Hindi po! Wala po akong kakilalang kamag-‐‑ anak na taga-‐‑Cavite,” mabilis na palusot niya. Hindi totoong Aguinaldo ang kanyang apelyido.
Chapter Four
ANG CALLEJON TRECE, mas kilala sa tawag na Kalye Putol, ang sentro sana ng poblacion ng bayan ng Puerto Anak Puso. Noong panahon na isinagawa ang plano ng bayan, isang maimpluwensyang pamilya ang hindi nagbigay ng right of way para mapahaba pa ang callejon. Idinahilan din ng iba pang mga residente na malas daw para sa simbahan ng kanilang parokya na Trece ang kalyeng kinahaharapan ng unahan nito. Sa kabilang dulo naman, hindi rin nagbigay ang isang negosyanteng Chinese kaya imbis na mahigit sa isa’t kalahating kilometro ang kahabaan ng callejon ay naging kalahati lamang. Nabili ng isang mayamang taga-‐‑Maynila ang pag-‐‑ aari ng Chinese at noong kasisimula pa lamang ng kasalukuyang siglo ay nagpatayo ng isang mansyong kagaya ng tahanan ng mga Rizal sa Calamba. Purong adobe ang mga pundasyon, marmol ang hagdanan, tisa ang bubong; ang mga sahig at dingding ay purong narra kaya hindi kataka-‐‑takang tumagal ang bahay na mag-‐‑ iisandaang taon na. Hatinggabi na nang sumapit sina Julian at Val, kasama si Aling Fina, sa Villa Antonina na ipinangalan ng lolo ni Julian sa ina nito. “Mukha namang nakakatakot ang bahay mo!” bulalas niVal na napasimangot at naghalukipkip ng mga braso. “Tila mga daga at paniki ang nakatira d’yan!” “Don’t worry,” tugon ni Julian na inihimpil ang Land Cruiser sa tapat ng bakal na tarangkahan ng villa. “Tumelegrama na ako sa caretaker dito noon pang isang buwan; ipinahanda ko na ang bahay dahil baka nga mapunta ako dito nang biglaan.” “Bakit nga ba dito tayo nagpunta, ha, Julian?” tanong ni Aling Fina na nagtataka. Inutusan muna ng lalaki si Val na bumaba ng sasakyan at buksan ang gate ng villa. Nang makababa ang binatilyo ay saka sinagot ni Julian ang tanong ng mayordoma. “Wala hong nakakaalam na may property dito si Lolo,” sagot niya. “At saka walang makakaisip na dito ako magtutungo maliban kay Eric na binigyan ko ng direksyon para pumunta dito kung sakaling maisipan n’ya.” “Gaano na ba talaga kapanganib ang manatili ka sa Maynila, Hijo?” nag-‐‑aalalang tanong nito. Umabante ang sasakyan papasok sa driveway ng villa. Napatiim-‐‑bagang si Julian. “Manhid na po ako sa banta ng mga kidnapper; sawa na ako sa mga death threats ni Orly,” aniya. “Pero kung pati ang kalayaan ko bilang binata’y malalagay din sa panganib, talagang ito na lang ang natatangi kong naisip—ang magtago.” MULA NANG MAMANA NI JULIAN ang kayamanan ng kanyang lolo na si Señor Joaquin Jarlego ay nalagay na sa panganib ang kanyang buhay. Hindi niya masyadong sineryoso ang mga banta, lalo na ang pinsan niyang si Orlando Jarlego, ang apo sa labas. Ngunit napagtanto niya noong nakaraang buwan lamang na hindi nagbibiro ang kanyang pinsan sa labas nang minsang mawalan ng preno ang bago niyang kotse habang patungo siya sa Tagaytay. Nangyari iyon nang pababa na siya ng highway at wala siyang nagawa kundi ang ibangga ang sasakyan sa isang puno sa tabing-‐‑daan. Nakaligtas siya dahil equipped with airbag ang kanyang kotse. “Baka sa susunod ay bomba naman ang ilagay sa kotse mo,” nag-‐‑aalalang sabi ni Eric nang ibalita niya rito ang pangyayari. “Mag-‐‑ingat ka, Julian. Orly means business.” Si Orly ay anak ng kanyang Tio Guillermo, ang nakababatang kapatid ng namatay na rin niyang ama. Kinilalang apo ni Señor Joaquin ang inilapit na sanggol ng isang hostess dahil ayaw ng matanda ng panibagong eskandalo sa pamilya. Kamamatay rin kasi noon ni Guillermo; napatay ito habang nakikipagtalik sa isang babaeng may-‐‑asawa. Lumaki si Orlando Jarlego na nagmamalaking apo ito ni Señor Joaquin Jarlego. Ginamit nito ang pangalan ng matanda upang makautang kabi-‐‑ kabila at wala nang ginawa ang matandang Jarlego kundi bayaran ang mga utang ng apo. Ang palagi nitong sinasabi: “Kawawa naman ang apo ko; hindi na nga nagisnan ang ama, pinabayaan pa ng ina.” Walang basehan si Señor Joaquin kung apo nga nito si Orly. Binalak nitong ampunin ang huli ngunit ilang taong nawala si Orly at nang lumitaw ay huli na dahil hindi na ito menor de edad. Patay na rin noon ang lolo ni Julian. Malaki ang pagkakahawig ni Orly sa mga Jarlego; walang duda na anak nga ito ni Guillermo. Ngunit huli na para maiwasto ang kapabayaang nangyari. Walang ebidensya para makahati nito sa kayamanan ang lehitimong apo na si Julian. Sadya nga lang mabait si Señor Joaquin sa apo sa labas, at pinamanahan pa rin ito ng tatlong milyong piso, bahay at lupa sa Quezon City. Isang taon lang ang lumipas ay nabalitaan na lamang ni Julian na nalustay nang lahat ni Orly ang namana nito. Dumating din ang oras na umuungot na sa kanya ang pinsan; nanghihiram ito ng kalahating milyon na ibabayad sa pagkakautang na hindi lingid sa kanya ay utang nito sa pagsusugal. “Hindi ako kasing-‐‑bait ni Lolo!” galit na sabi niya rito noon. “At sino ka para hingan ako ng ganoon kalaking halaga? Ano ka, may patago?” “Kapwa lang tayong apo ng makunat na matandang ’yon,” tugon ni Orly. “Minalas lang ako’t hindi kasal ang aking mga magulang. . pero sa dugo’y patas tayo!” “Huwag ka nang magtaka kung ganoon lang ang iniwan sa ’yo ni Lolo,” maanghang na tugon niya. “Noong nasa edad ka na puwede kang ampunin ni Lolo ay nasaan ka? Kung kailan huli na para maging lehitimo kang Jarlego ay saka ka naghahabol; ano pa ang inaasahan mo?” “Ang mamatay ka!” prangkang sagot nito. “Saka ko ilalabas ang mga dokumentong pinagkagastusan ko nang malaki!” Alam ni Julian na huwad ang mga dokumentong hawak ni Orly; palulusutin nito sa kahit anupamang husgado ang mga iyon, maangkin lang ang lahat ng naiwan ng matandang Jarlego. “At bakit hindi mo pa ngayon ilabas ang mga sinasabi mong papeles?” hamon niya. “Para kuwestiyuhin mo lang?” tugon nito na may ngiting-‐‑aso sa labi. “No way! Hihintayin ko na lang na mamatay ka, at sana, iyon ay sa lalong madaling panahon. Hindi ba, mahal kong pinsan?” “Ganid!” tugon niya sa pagitan ng mga ngipin. “May mga di-‐‑inaasahang pangyayari na puwedeng mangyari sa ’yo, hindi ba?” patuloy pa nito. “Tulad ng.. aksidente. . o kaya’y ligaw na bala ng baril. . Marami! Maraming posibleng mangyari sa ’yo dahil sigurado kong wala kang sakit sa puso!” Tinalikuran na lamang niya ang pinsan. At nadagdagan pa ang kanyang suliranin dahil naman kay Ingrid. Ang kapatid nitong si Cedric ay isang pulitiko na may reputasyong malinis tumrabaho kapag may nais ipapatay na kalaban sa pulitika. SA KASALUKUYAN. “Mag-‐‑asawa ka na kasi,” ani Aling Fina. “Para malagay din sa panganib ang magiging asawa ko’t anak?” cynical na tanong ni Julian na napahigpit ang kapit sa manibela ng Land Cruiser. “Maaatim ko bang ipakita sa asawa ko ang mga patay na hayop na madalas ipadala ni Orly o kaya’y ang mga sulat niyang punung-‐‑puno ng pagkasuklam?” Umibis na siya upang malanghap ang hangin ng hatinggabi sa Puerto Anak Puso. Naalala rin niya ang isa pang suliranin. Hindi niya alam kung matatawag bang suliranin ang tungkol kay Val. Masaya itong nagbababa ng mga bagahe nila mula sa sasakyan at sisipul-‐‑sipol pa na para bang limot na ang naging panghoholdap dito. Ano naman ang gagawin ko sa isang ito? tanong ni Julian sa sarili. Wala siyang pinaniniwalaan sa mga sinabi ni Val nang tanungin niya ito habang nagbibiyahe sila. Wala ring kalinawan ang mga detalye kung saang lugar itong nanggaling. “Taga-‐‑saan ka ba talaga?” kulit ni Julian. “Taga.. Bisaya po ako.” “Bakit hindi ka naman tunog-‐‑Bisaya?” tanong ni Aling Fina mula sa likuran. “Tagalog po ang salita namin sa bahay,” rason ni Val na malapit sa katotohanan dahil Tagalog at Ingles ang salitaan nila sa bahay. “Bakit ka lumayas?” Iyon ang hindi nito masagot. Masyadong pantastiko ang istorya nito para paniwalaan ng kahit sinong makarinig. “It’s a long story!” bigla nitong naisagot. Natahimik si Julian nang marinig na mag-‐‑Ingles si Val. May katiting na ideya ang nabuo sa kanyang isipan tungkol sa pagkatao ng binatilyo. “Do you want to tell us that long story?” ganyak niya na tila batang musmos ang kausap. Walang nasabi si Val; napakamot lang sa kaliwang tainga nito kung saan may dalawang hikaw na maliliit para lalo itong magmukhang punk. Medyo sariwa pa nga ang isang butas na ito lamang ang tumusok sa pamamagitan ng isang malaking karayom. Hindi na muna nag-‐‑usisa si Julian dahil napagtanto niyang mahihirapan siyang tuklasin ang lahat ng dapat malaman sa pagkatao ng pinulot na binatilyo.
Chapter Five
“VAL, BAKLA KA BA?” nangingiting tanong ni Julian. Hinihintay nilang matapos ang kahera sa pagpa-‐‑punch ng kanilang mga pinamili sa maliit na grocery sa kabisera. “Naku, hindi, ah!” mabilis tugon ni Val na nagpalaki pa ng boses. “Bakit hindi mo man lamang bigyan ng kahit konting ngiti ’yung mga babaeng kanina pa nakatingin sa ’yo?” Napatingin si Val sa ilang dalagita na noon ay nasa kabilang counter. Siya nga ang natitipuhan! Umiwas ng tingin ang mga ito nang tapunan niya ng tingin. “See?” muling sabi ni Julian. “Ikaw ang type nila dahil I’m already too old for them.” “Hindi ko sila type,” naiiling na pahayag ni Val na nauna nang maglakad palabas ng grocery, bitbit ang plastic bags. Naiiling ang lalaki na sinundan ang alaga. Naaalala nito ang sariling kabataan. Enjoy ito noon sa atensyon ng mga babae. Hindi kagaya ni Val. Nang pauwi na sila sa Anak Puso ay napansin ng lalaki ang interes ng kasama sa pagmamaneho. Napansin nito ang masusi niyang pagtingin sa manibela, sa kambiyo, sa silinyador, sa preno at clutch at gadgets sa dashboard. “Would you like to drive?” tanong ni Julian na tinatakam siya. “Do you know how to drive?” “Wala akong lisensya,” tugon niya na umiwas ngunit kating-‐‑kati na ang mga kamay na makahawak sa manibela. Nakiramdam naman ito. Nang makailang kilometro na silang tumatakbo ay muli siya nitong ginanyak. “I know you want to drive,” anito na inihimpil ang sasakyan sa tabing-‐‑daan. “Here, palit tayo. . ” Umibis ito upang makalipat sa kabilang upuan, handang patunayan sa sarili na may alam ang binatilyo sa pagpapatakbo ng sasakyan. Walang nagawa si Val kundi ang lumipat sa harap ng manibela. Pipilitin niyang ikubli ang katotohanang marunong siyang magmaneho. Mayroon din kasi silang ganoong tipo ng sasakyan na malaya niyang nagagamit kapag kinakailangan. “O, i-‐‑start mo na,” utos ni Julian na nag-‐‑relax na sa kinauupuan. “Mag-‐‑seatbelt ka muna para sigurado,” tugon niya na pina-‐‑start ang sasakyan. “’Tapos, ano’ng gagawin?” Napatingin ito sa kanya. Medyo frustrated ang lalaki dahil buong akala nito ay hindi na ito kailangang magbigay ng instructions sa kanya. Naghintay naman siya sa susunod na direksyon nito. Buong pasensya nitong sinabi ang mga dapat niyang gawin na sinunod naman niya. Nang tumatakbo na sila ay hinayaan lang siya nito. “O, bahala ka na kung gusto mong pabilisin,” anito na pumikit at ini-‐‑recline ang sandalan ng upuan; sigurado itong makakating sila nang matiwasay sa bahay. Ilang minuto na ang nakalipas; pinakiramdaman ni Julian si Val. “Ayos ka ba d’yan?” “Oo, Kuya Julian,” tugon niya. “Okay lang bang ako ang magmaneho? Baka mahuli tayo.” “Basta lumagay ka lang sa tama,” sagot nito na hindi nagbukas ng mga mata. “And.. can you go a little faster? Highway naman ito pero ingat ka rin.” “Opo, Sir!” Naramdaman na lamang ng lalaki na bumilis ang sasakyan. Nagmulat ito at nakita sa speedometer ang kanilang takbo. One hundred kilometers per hour! Napaangat ito sa upuan at napa-‐‑‘shit!’ pa nang maalalang naka-‐‑reclining position pala ito at naka-‐‑fasten pa ang seatbelt. Ibinalik nito sa normal na posisyon ang upuan at pinagmasdan si Val na cool na cool sa pagmamaneho—buo ang konsentrasyon; buo ang loob. Nilinga niya ang nasorpresang katabi. “Masyado ba tayong mabilis, ha, Kuya?” inosente niyang tanong. “Ano sa palagay mo?” “Baka masyadong mabilis,” pakli niya. “Sabihin mo lang, Kuya, at babagalan ko.” “No. Kung kaya mong i-‐‑manage ang bilis na iyan ay puwede na,” pasya niya na may nabuo na namang ideya sa isip. Kung sa bilis ay posibleng makapagpatakbo ng ganoon ang isang baguhan. Ngunit kung paano ini-‐‑handle ni Val ang Land Cruiser sa highway ang siyang kagila-‐‑gilalas. Lahat ng mababagal na sasakyan ay nilampasan nito; kapag nag-‐‑change gear ay walang mintis ang timpla nito sa clutch at kambiyo. Halata rin itong sanay na humawak ng power steering na manibela! “Magtapat ka, Val,” seryosong sabi nito nang sumapit na sila sa Villa Antonina. “Bakit, Kuya Julian?” nakangiting tanong niya. “Anong klaseng sasakyan ang namaneho mo na, maliban dito sa Land Cruiser ko?” Nag-‐‑alangan siya sa isasagot. “I want to hear the truth!” “Nissan Patrol, Kuya,” simpleng sagot niya. “Kanino?” “Sa.. sa.. ninong ko!” “Are you telling the truth?” diskumpiyadong tanong nito. Tumango lamang siya. Totoo talagang sa Ninong Freddie niya iyon; hindi nga lamang niya sinabing iniregalo na sa kanya ang sasakyan. Bago pa nakapagtanong si Julian ay umibis na siya upang maibaba ang kanilang mga pinamili. Bukod sa groceries ay ibinili siya ng lalaki ng mga kamiseta, polo, pantalon, mga medyas, panyo, tuwalya at underwear. Kaagad niyang dinala ang mga iyon sa kuwartong natoka para gamitin niya. Nang maisara ang kanyang pinto ay inilatag niya ang mga damit sa kama. Napangiwi siya nang ilabas ang puting briefs mula sa plastic bag. Sa palengke ay may nabibili namang mga damit at doon na lang sana siya magpapabili ngunit tumanggi si Julian dahil may namataan pala itong maliit na boutique na may tinda ring mga damit pang-‐‑teen-‐‑ager. Lahat ng kanyang kailangan ay binili nito. “Ang bait niya,” bulong ni Val sa sarili. Ngunit nang muling mapadako ang mga mata niya sa mga underwear ay napangiwi siya. “Am I going to wear these. . these. . ” Ah, wala siyang choice. Alangan namang isa lang ang gamitin niyang underwear. Minabuti niyang magpalit ng damit. Natuwa siya at may sariling banyo at palikuran ang kanyang silid. Ngunit ang pagkatuwa ay biglang naglaho nang mapansin ang isa pang pinto sa kabilang sulok ng dingding. Siniyasat niya kung saan patungo iyon at napahumindig siya nang makitang nakakonekta pala ang banyo sa silid ni Julian! “Ano ba naman?” bulalas niya na nagbalik sa kanyang silid. Hindi kasi siya maaaring magkamali sa nakita. Nandoon sa silid na iyon ang mga maleta ni Julian at nakahanda na rin ang pantulog nito sa ibabaw ng kama. Alangan naman si Aling Fina ang magsusuot ng mga iyon dahil napakalaki; hindi rin si Tata Julio dahil ang tulugan ng matandang caretaker ay sa maliit na bahay sa likuran ng villa. “Paano ako makapagbibihis nang maayos nito!” dabog ni Val. Nilapitan niyang muli ang pinto patungong banyo; may maliit na hook pala iyon para hindi iyon mabuksan kung may tao man na magmumula sa banyo. Walang nagawa si Val kundi ang magbihis doon mismo sa silid-‐‑tulugan. Sa harap ng salamin ng antigong aparador ay tumambad ang reflection ng kanyang buong katawan.
Chapter Six
KATATAPOS LANG nilang maghapunan nang may bumusinang sasakyan mula sa tarangkahan. “Baka si Eric na iyon,” ani Julian na napatingin sa dako ng bintana. Kaagad kumilos si Val upang buksan ang gate. “Ano ba ang sasakyang dala ng kaibigan mo, Kuya?” tanong niya bago lumabas ng komedor. “Kung hindi itim na Honda Accord ay pulang BMW,” tugon nito. “At kapag hindi ang mga sasakyang iyon ay huwag mo munang pagbuksan, okay?” “Areglado!” Patakbo siyang bumaba nang makitang pulang kotse ang nandoon. BMW nga! Mayamaya pa ay pumapasok na sa sala si Eric, kasunod si Val na bitbit ang isang maleta. “Am late for dinner?” tanong nito. “Saang silid ko po dadalhin ito, Aling Fina?” tanong ni Val nang lumabas mula sa komedor ang mayordoma. “Aling Fi!” bati ni Eric sa matanda. “Nami-‐‑miss na kita!” “Bola!” “Si Aling Fina naman. Si Julian ay hindi ko mami-‐‑ miss pero ikaw.. .” patuloy ni Eric na lumapit sa matanda at niyakap ito nang mahigpit. “Pati kayo’y isinama ng kaibigan ko sa panganib. Salbahe talaga ’yang si Julian!” “At bakit mo naman nasabi ’yan?” tanong ng lalaki na noon ay lumabas na rin ng komedor. “As you always say, my friend, whatever’s mine is yours,” tugon ni Eric na nagtungo sa sofa na narra at doon naupo. “Bakit pati kaming mga walang kinalaman sa nalalapit mong kamatayan ay nais mo pang isama sa ’yong hukay?” Natawa si Julian, naupo rin sa pang-‐‑isahang sofa sa may kaliwa ni Eric. Si Val naman ay napatayo na lamang sa may pinto dahil kinuha na ni Aling Fina ang bagahe ng bagong dating at dinala iyon sa bakanteng silid. “Napadali yata ang pagsunod mo dito; hindi ka ba nahirapang hanapin itong lugar?” usisa ni Julian sa kaibigan. “Nope! Kilala mo naman ako, I’ve got a knack for directions.” “Ako nga’y muntik maligaw papunta dito noong isang gabi,” kuwento ni Julian. “Tuliro lang siguro ang utak ko dahil may nasalabid na naman akong problema.” Noon niya nilingon si Val na nakatayo sa may pinto. “Itong batang ito ang dahilan kung bakit ipinaasikaso ko muna sa ’yo ang pag-‐‑order ng bagong salamin para sa kotse ko,” patuloy niya. “Ah, siya ba? Alam mo ba kung saan ako naka-‐‑ order? Sa Germany pa dahil walang makuha sa Hongkong!” Namutla si Val sa narinig; nagsalita ito para idepensa ang sarili. “Alam ni Kuya Julian kung ano ang nangyari. Hindi ko kagustuhan iyon!” “Why is the brat here?” tanong muli ni Eric. “He had nowhere else to go,” tugon niya. “Bakit hindi na lang ang pinsan mong si Orly ang ampunin mo para matapos na ang problema?” Tinitigan niya nang matalim ang kaibigan. “Joke lang!” bawi nito. “Hindi ka naman mabiro.” Nagtungo na lamang sa komedor si Val kung saan alam nitong naghahain si Aling Fina para sa bagong dating. “So, ano naman ang mai-‐‑o-‐‑offer mo sa ’kin na buhay dito sa. . Anak ng Kulog?” tanong ni Eric nang papasok na sila sa komedor. “Anak Puso,” pagtatama niya. “Right! Anak Puso,” ulit nito. “What sport can we do here? May mapaglalaruan ba tayo ng tennis man lamang?” “Mayroon,” sagot niya na muling umupo sa hapag. Tatapusin na lang niya ang kanyang kape, isang gawaing nakaugalian na niya pagkatapos ng hapunan. “Talaga?” “Table tennis,” natatawang dugtong niya. “Para mo na ring inalis ang gana kong kumain,” anito na sa kabila ng sinabi ay umusal ng kapirasong dasal bago sinimulang kumain. “Ano pa?” “Fishing?” “Nah!” “Okay, to tell you the truth,” amin ni Julian. “Wala tayong puwedeng gawin dito kundi. . ” “I-‐‑renovate itong bahay, i-‐‑landscape ang bakuran, at i-‐‑restore ang lumang Mercedes Benz na nasa silong!” Si Val ang nagsabi ng mga iyon. “Are you suggesting that we do those things?” tanong ni Julian na napatingin sa binatilyo. “Iyon ay. . kung pupuwede lang, Kuya,” tugon nito “Naitanong ko rin sa sarili ang tanong ni. . Kuya Eric at wala akong ibang posibleng nakitang maaaring gawin sa oras natin kundi ang mga sinabi ko dahil ang pinakamalapit na beerhouse ay limampung kilometro ang layo mula dito.” Takang nagkatinginan sina Julian at Eric. “May sabungan sa kabisera pero wala naman kayong sasabungin,” patuloy pa ni Val. “May nakita rin akong basketball court sa kabilang kalye bago lumiko dito sa Callejon Trece pero limahan ang larong basketball at dadalawa lang kayo at hindi rin kayo palalaruin n’ong mga kabataan doon dahil ang tatangkad ninyo! Pero puwede pa rin kung kayo ang tatayong sentro sa magkabilang team. May bilyaran din sa Calle Tres!” Muli na namang nagkatinginan ang dalawa. “How did you find out about these things?” tanong ni Julian. “Simple lang, Kuya, naggala ako kaninang hapon,” tugon nito. “May lumang bisikleta si Tata Julio na ipinahiram sa akin. ’Nga pala, nakakita rin ako ng laruan ng darts sa Callejon Diez.” “This brat’s a genius!” puri ni Eric. “I’m not a brat!” angal ni Val. “Call me everything except that, Sir.” “Sure! Sure!” tugon nito. “Ano pa ang maisa-‐‑ suggest mo na puwede naming gawin ng kaibigan ko? Ng iyong Kuya Julian?” “Puwede ring i-‐‑develop n’ya itong lugar na ito,” sabing muli ni Val, umiiral ang dugong negosyante. “Puwede siyang magpatayo ng isang resort dahil wala yata niyon dito sa Anak Puso o kaya’y magpatayo siya ng eskuwelahan; bumili pa ng maraming lupa kung marami talaga siyang pera; o kaya’y kumuha ng franchise ng sasakyan, mga bus dahil lilima lamang ang pampasaherong jeep na bumibiyahe mula dito hanggang kabisera.” “Gosh!” bulalas ni Eric na uminom ng tubig.” Lalo kang ibabaon nitong si. . What’s your name?” baling nito sa binatilyo. “Val. . Valentino Aguil. . Aguinaldo.” “As I was saying, Julian,” patuloy ng kaibigan, “lalo kang ibabaon nitong si Val sa hukay!” “Why is that so?” tanong niya. “Lalo kang payayamanin, eh,” tugon nito. “The richer you become, the more Orly will envy you. Mas marami siyang makukuha sa ’yo, mas gagawa ng paraan iyon na mamatay ka.” “Kuya,” sabat ni Val, “matanong ko po kayo.. . Nasa panganib ba talaga ang buhay mo?” “Hindi lang ang buhay,” cynical na sagot ni Julian. “Pati pagkabinata ko.” NANG NAKAHIGA NA SI VAL sa kama nang gabing iyon ay nalimi niya sa sarili ang mga sinabi at nalaman mula kay Julian. Hindi siya masyadong nag-‐‑usisa tungkol sa binata dahil baka usisain din nito ang background niya. Tila nais niyang pagsisihan ang pagsabat niya sa hapunan. Hindi lang kasi niya matiis ang hindi magsalita tungkol sa kanyang obserbasyon ukol sa lugar na iyon. Marami-‐‑rami rin ang kanyang nalaman dahil sa isang bote ng sarsaparilya na unti-‐‑unti niyang ininom sa isang tindahan doon mismo sa Callejon Trece. Nalaman din niyang kaya walang masyadong makalapit sa Villa Antonina ay marami ang nakapagsabi na may lumalabas na white lady roon. Inalis ni Val sa kanyang isip ang tungkol sa maligno at multo dahil wala naman siyang naramdaman na mga pagala-‐‑galang espiritu mula nang sumapit sila sa villa. Masyado lang kasing luma na itong bahay, aniya sa sarili. Nakarating siya hanggang Callejon Uno kung saan nandoon ang pamilihang bayan. Madali siyang nakihalo sa mga tao roon dahil hindi kapuna-‐‑puna ang pagiging mestizo niya dahilan sa kanyang cap; natago ang kaputian ng kanyang mga braso sa suot niyang maong na polo na may mahabang manggas. Sa isang puwesto na mga damit ang paninda ay may binili siya kung saan nausisa pa siya ng tindera. “Sino ang gagamit?” tanong nito. “Kapatid mo?” Ngumiti lang si Val kaysa naman sungitan ang tinderang usyosera. “Mas komportable nga daw gamitin ’yan,” sabi pa ng tindera. “May mga kilala akong mga lalaki na ganyan din ang isinusuot.” Kinapa niya ang pera sa bulsa at binayaran ang tatlong panty at dalawang bra. Hinintay muna niya ang sukli at walang kibong lumayo. Ang sumunod niyang hinanap ay isang botika kung saan bumili siya ng feminine napkins. Ang tunay na pangalan ng binatilyo ay Valentina Aguilar—at siya ay isang tunay na babae. Napapaano na kaya si Papa? malungkot niyang tanong sa isip. Pinilit niyang makatulog upang pansamantalang malimutan ang panganib na maaaring kinalalagyan ng ama.
Chapter Seven
“I THOUGHT LIFE HERE was pretty boring.” Inilakas ni Eric ang boses nito para marinig ni Julian na nakatingin lamang sa entablado at tahimik na nanonood sa palabas. “May mapaglilipasan din naman pala ng oras kahit na papaano.” Naghihiyawan ang kalalakihan sa beerhouse habang isa-‐‑isang hinuhubad ng babae sa entablado ang mga saplot nito. Hindi naman mawarian ni Val kung yuyuko na lamang siya. Minabuti niyang tiisin ang panonood ng palabas na sinimulan ng showgirl sa aktong paliligo sa batalan. Payak ang props sa entablado—isang tapayan, batya, tabo at ang background ay sawaling butas-‐‑butas. Una ay nakatapis lang ang babae nang lumabas sa entablado. Nang magsimula itong maligo ay nagsimula rin ang hiyawan mula sa audience na karamihan ay lalaki. Ang mga babaeng nandoon ay mga waitress at mga hostess na itine-‐‑table ng mga costumer. Hindi nag-‐‑table sina Julian at Eric; naparoon lang sila para uminom. Tila nakarating kaagad sa pandinig ng manager ng beerhouse na mamahalin ang sasakyan nina Julian kaya ito ang nag-‐‑estima sa kanila. “This way, mga Sir,” anito na nanguna patungo sa isang mesa kung saan mapapanood nila nang husto ang palabas. “Ayoko sa malapit sa entablado,” sabi ni Julian nang ang ibigay na mesa sa kanila ay pinakagitna sa harapan ng stage. Umobliga naman ang manager ng pub at niyaya sila sa bandang likuran kung saan may plataporma at mesang pang-‐‑apatan. “This is better,” ayon ni Julian. Nang makaupo ay nagtanong ito kung anu-‐‑anong inumin ang naroon. “Mayroon kaming first-‐‑class na scotch whiskey,” sagot ng manager na nagmamalaki. Ang pinaka-‐‑ mamahalin kaagad ang ini-‐‑offer nito. “Ano ang gusto mo, Eric?” tanong ng lalaki sa kaibigan dahil tila hindi nito tipo ang uminom ng scotch nang gabing iyon. “Brandy na lang,” tugon ni Eric. “Mayroon ba kayong Remy Martin XO Special?” tanong nito sa manager. “Mayroon, Sir,” kaagad na tugon ng manager bago ito pumalakpak at mayamaya pa ay isang waitress ang lumapit upang kunin ang order. “Ano pa, Sir?” “Pulutan, Julian?” baling ni Eric sa kaibigan. “Ask Val,” turo nito sa kanya. “Baka hindi pa iyan marunong uminom, sagot na niya ang pulutan.” Bumaling si Eric sa kanya. “Fried chicken,” tugon niya na hindi sigurado kung ano ang o-‐‑order-‐‑in. “Ano kaya kung crispy pata na lang? Tama, crispy pata at saka sisig!” “Ano ang iinumin mo?” tanong ni Julian na nakatingin sa kanya. Hindi siya kaagad nakasagot kaya ito na lang tuloy ang nagpasya para sa kanya. “Cali Shandy,” anito sa manager na naghihintay pa rin ng kanilang order. “No more, Sir?” muling tanong ng manager. “Tatawag na lang ulit kami mamaya,” tugon ni Julian. Nang lumaon ay naubos ang unang bote ng brandy at nag-‐‑order ulit sila. Si Val ay nakakailang bote na rin ng Cali Shandy at halos siya rin ang nakaubos ng crispy pata. Hanggang tainga ang ngiti ng manager dahil miminsan lang sila magkaroon ng bigating costumer sa pub. Ang unang attraction ay isang mang-‐‑aawit na may pagkapaos ang boses ngunit magaling gumiling ang katawan. Ala-‐‑Madonna ang costume nito na halos litaw na ang kalahati ng matambok na dibdib. Dumukot ng limang daan si Julian sa bulsa at pagkuwa’y inutusan si Val na lumapit sa entablado upang mag-‐‑request sa singer. “Anong kanta?” tanong ni Val na napalunok. Hindi siya sanay sa ganoong kalakaran. Noon lang pati siya napasok sa isang beerhouse. “Kahit ano,” sagot nito. “Basta patunayan mo lang sa amin ni Eric na hindi ka binabae.” “Ha?” Nanlaki ang kanyang mga mata. Paano niya mapapatunayan iyon? “Go!” udyok ni Julian. Nanginginig ang tuhod na nilisan niya ang mesa at nagtungo sa may entablado kung saan nakatayo ang mang-‐‑aawit at kasalukuyang tumatanggap ng mga request sa iba pang costumers. Nang mapansin ng singer ang nakatayong si Val sa may gilid ng entablado ay binalingan siya nito. “O, may isa pa!” anito. “Ano’ng request mo, Totoy?” Umugong ang tawanan. Napahiyang lumingon siya sa direksyon ni Julian. “Totoy na pogi,” dagdag pa ng singer. Yumukod ito upang marinig ang request niya; hinatak pa siya paakyat sa entablado. “O, ano ang request mo?” “Kahit ano!” tugon niya na lalong tumindi ang hiya nang ilapit ng singer ang mikropono sa kanyang bibig; pilit niyang iniaabot sa mang-‐‑ aawit ang perang hawak. Para sa kasiyahan ng marami, kinuha ng mang-‐‑ aawit ang kamay niya at inilagay iyon sa mayamang dibdib nito upang doon ay maisilid niya ang bayad para sa request. “Palakpakan naman para kay Totoy Da Pogi!” anang singer nang maisilid niya ang pera sa pagitan ng nag-‐‑uumpugang dibdib nito. Mabilis pa sa alas kuwatrong bumaba ng entablado si Val at galit na naupo sa mesa nila. “Don’t make me do that again!” aniya kay Julian na nakatingin sa kanya. Pinagtatawanan siya nito. “Mukhang feminist itong alaga mo, Julian,” ani Eric na natatawa rin. “Baguhan pa lang kasi,” pakli nito na nakatitig pa rin sa kanya. “Masasanay din ’yan.” Feminist na kung feminist man siyang maituturing. Ngunit ano ba ang dapat na maging sentimyento ng isang babaeng noon lamang nakita ang kalakaran sa ganoong lugar? Tiniis ni Val ang sitwasyon at pinanood na lang kung sino ang mas malakas uminom sa magkaibigan. Sa obserbasyon niya, mas napapalakas ng inom si Julian at umiikot ang usapan tungkol sa suliranin nito kay Orly. Nang malaon ay napunta kay Ingrid. “Ano ang balak mo tungkol sa kanya?” tanong ni Eric. “I told her to go to hell!” inis na tugon ni Julian. “Pagbalik mo nga sa Maynila ay makibalita ka tungkol sa babaeng iyon at itawag mo na lang sa cell phone ko.” “Sure,” tugon ng kaibigan. Napansin din ni Val na kahit marami nang nainom ang magkaibigan ay tuwid pa rin ang pananalita ng mga ito. Ah, baka mamayang pagtayo nila ay sumuray? hula niya. Napansin ni Julian na pinagmamasdan ito ng alaga. “Kanina ka pa nakatitig sa ’kin,” usisa nito. “Ano ang nasa isip mo? Kung sino ang mas lasing sa aming dalawa?” “Hindi, Kuya Julian,” tanggi niya. “Nakikinig ako sa mga sinasabi mo.” Ang totoo, pinagkukumpara niya ang dalawang lalaki—kung sino ang mas makisig, kung sino ang mas guwapo! Sa sobrang kalasingan ng dalawa, naatasan si Val na magmaneho ng kotse ni Eric. Si Julian ang nag-‐‑ abot ng susi. “Kahya ba niya?” tanong ni Eric sa kaibigan. Magkaakbay na lumabas ng beerhouse ang dalawa at pasuray na lumapit sa sasakyan. “Like.. a pro, P’re!” tugon ni Julian na halos babagsak na ang mga mata sa kalasingan. “Ba’t. . sa tingin mo ba. . kaya mo pang. . hik!. . magmanehoh!” “Hindi na.. P’re,” pag-‐‑amin ni Eric na humapay palapit sa nakabukas nang kotse. Sa dakong hulihan nito napiling umupo. Kaagad itong humilata upang sa unahan maupo ang kaibigan. “Look at him,” angal ni Julian na napakamot sa ulo at napatingin kay Val na noon ay binuksan na rin ang pinto ng passenger’s seat para rito. “Pumosisyon agad!” Iiling-‐‑iling na pumasok ito ng sasakyan. Nang nasa harap na ng manibela ay saka siya nagsalita. “Kanya itong kotse. Mas may karapatan siyang pumili kung saan siya pupuwesto.” Napalingon sila dahil sa malakas na paghilik ni Eric. Nagtawanan pa sila bago niya pina-‐‑start ang kotse. “Ang seatbelt mo, Kuya Julian,” paalala niya. “Why do you always make me do this?” tanong nito. “Para kang laking-‐‑States kung saan mahigpit na ipinatutupad ang paggamit ng seatbelt.” “Para makasiguro lang, Kuya,” tugon niya. “Okay! Fine!” anito na napilitang sundin ang sidekick. Tama lang naman kasi na mag-‐‑seatbelt ito para hindi mauntog sa unahan ng kotse. I don’t want to ruin such a handsome face! lihim na sabi ni Val sa sarili habang nangingiti sa pagmamaneho. NAPADIIN ANG PAG-‐‑APAK NI VAL sa preno pagdating sa Villa Antonina. “What the—” ani Eric na nalaglag mula sa kinahigaan. “We’re here,” anunsyo niya. Medyo hilo pa na umibis si Eric. Si Aling Fina na noon ay narinig ang sagitsit ng gulong ay napabangon mula sa sofa na kinatulugan na sa paghihintay sa mga binata. Kaagad itong bumaba at si Eric ang inabutang paakyat. Sumampay kaagad ito sa mayordoma. “Ang Kuya Julian mo?” tanong ng mayordoma kay Val. “Ginigising ko pa ho,” tugon niya habang tinapik-‐‑ tapik ang balikat ng lalaki. “Ikaw na ang bahala sa kanya,” sabi ni Aling Fina na inalalayan nang paakyat si Eric. “Ako na ang bahala sa isang ito.” “Kuya Julian,” bulong ni Val. “Gising na.” Pipikit-‐‑ didilat lang ito at saka iiling. “Hoy, Kuya, gising na!” sigaw niya sa tainga nito. “Ha?” anito na napabalikwas ngunit napiit ng seatbelt. Inis nitong tinanggal ang pagkaka-‐‑buckle niyon at saka umibis.“You didn’t have to shout!” galit nitong sabi. Napasuray ito; mabuti na lamang at nakaantabay siya sa likuran nito. “Oops, careful!” aniya na napayakap dito. Halos makuba siya sa pag-‐‑alalay sa lalaki paakyat sa bahay hanggang sa silid-‐‑tulugan nito. Iiwanan na sana niya ito kung hindi siya pinigil. “Hubaran mo.. akoh!” utos nito na napasalampak sa gilid ng kama. Hindi siya kaagad makakilos. “Ano ba!” Galit na ang tono nito. Napilitan siyang kumilos. Tinanggal muna niya ang pagkakabutones ng polo shirt nito; napalunok siya sa ginagawa lalo na nang pati ang pantalon ay itinuro ni Julian. Nagkataon pang buttonfly ang jeans nito. Parang nais niyang mamutla. Dahil nababagalan sa kilos niya, tinulungan siya nito sa paglilis ng pantalon. Kaso naisama nito pati ang underwear! “Yikes!” sigaw niya, sabay takip sa mga mata. “What... are you doing?” tanong ni Julian na napatingin sa kanya. “Ha? I-‐‑I’m praying!” “Praying?’ ulit nito na ibinalik ang underwear sa posisyon. “Alam mo, Val, diskumpiyado ako sa ’yo!” Humiga na ito sa kama. “Good night... Valentina!” tuya nito.
Chapter Eight
UMUWI SI ERIC kinabukasan nang makapananghali, dala ang isang napakahabang listahan ng mga bilin nina Julian at Aling Fina. “Don’t forget the dart board,” sabi ni Julian dito bago umalis. “Ingat, Pare!” Nang hapon ding iyon ay sinimulan nila ang pag-‐‑ overhaul sa makina ng lumang Mercedes Benz. Ang karamihan ng dirty works ay napunta kay Julian dahil matanda na si Tata Julio at malabo na ang mga mata. Si Val naman—na hindi marunong, kahit siya ang may suhestyon na gawin nila iyon—ang taga-‐‑abot ng mga materyales mula sa tool box ng Land Cruiser. Siya rin ang tagalinis ng kung anu-‐‑anong parts sa palangganang puno ng gasolina. Matiyaga niyang inilublob ang mga iyon; tiniis ang grasa sa mga kamay at ang amoy ng gasolina. Tumigil sila nang magdapit-‐‑hapon. “That’s all for today!” deklara ni Julian na hinubad ang suot na kamisetang pantrabaho at inihagis iyon kay Val. “Halikang maligo sa batis!” Umiling siya. “Doon na lang ako sa poso sa likod, Kuya.” “Mahihirapan ka pang magbomba,” pakli nito. “Kung doon sa batis, lulubog ka na lang.” “Kahit na,” tugon niya sa pang-‐‑eengganyo nito. “Masyadong malamig ang tubig doon; baka ako sipunin.” “Chicken!” pang-‐‑aasar nito. “Duwag!” Ipinakuha na lang nito sa kanya ang mga gagamitin sa paliligo at ang bihisan pagkatapos. Naiwan siya na naghugas na lamang ng mga kamay at paa sa poso. Ngunit nang gabing iyon pagkatapos nilang maghapunan, nakahiga na si Val sa kanyang kama ay nararamdaman pa niya ang lagkit ng katawan dahil sa hindi pagkakapaligo nang hapong iyon. Hindi naman niya magawang maligo sa banyo dahil baka biglang pumasok si Julian; hindi rin siya puwede sa poso dahil baka magising si Aling Fina sa lagaslas ng tubig dahil katapat ng silid nito ang poso sa ibaba. Wala siyang choice kundi ang magpunta sa batis; makakapaligo siya nang hindi nakakaistorbo at hindi maiistorbo. Iyon ay nasa duluhan kung saan dadaan muna siya sa pagitan ng mga naglalakihang puno ng balete makalampas ng grove ng bakuran ng villa. May enclosure siyang natagpuan kung saan marahil naligo si Julian dahil iniwan nito roon ang sabon at botelya ng shampoo. Nagtungo siya sa likod ng pinakamalaking puno ng balete at doon ay naghubad. Dala ang puting tuwalya na ibinaba sa batuhan sa gilid ng batis, lumusong siya sa malamig na tubig at dinama ang kalayaan na maging siya. NOON NAMAN ay hindi mapakali si Julian; may iniisip itong bagay na nakaligtaan sa kung saang lugar. Ilang minuto niyang inisip kung ano iyon at kung saan niya naiwan nang mapatingin siya sa kamay at saka napansin—wala ang kanyang singsing na brilyante! Kinapa niya ang leeg; wala ang kanyang kuwintas! Liban sa relo na hindi niya mahilig hubarin dahil waterproof naman iyon, ugali na niya sa paliligo ang paghuhubad ng mga naturang alahas. Naiwan niya ang mga iyon sa may batis! Tanda niyang inilagay niya iyon sa ibabaw ng isang malaking bato malapit sa pinag-‐‑iwanan niya ng sabon at shampoo. Naiinis sa kapabayaan na bumangon siya at kinuha ang kanyang maliit na flashlight. Kahit naka-‐‑pajamas lang ay tinugpa niya ang daan patungo sa pinagpaliguan. Madali naman niyang nakita ang malaking bato at nandoon ang kanyang mga alahas, ngunit nang pasinagan niya ang kinalagyan ng sabon at shampoo ay wala ang mga iyon sa dating lugar. Napadako ang kanyang tingin sa may tubig at napamulagat siya sa nakita. Isang babaeng naka-‐‑turban na puti ang noon ay umahon mula sa tubig; liban sa ulong nakabalot, ang katawan nito ay walang saplot. Hindi siya maaaring magkamali sa nakita kahit pa nababalot ng tila manipis na ulap ang paligid. Kaagad na nagkubli si Julian sa likod ng malaking bato dahil lumingon sa direksyon niya ang babae. Nang muli niyang ituon ang mga mata sa kinakitaan sa babae ay wala na ito. Kaagad siyang nagtaka. Hindi naman maaaring mawala basta ang kung sino liban na lamang kung ito ay.. . Engkanto? Iwinaksi niya ang ideya dahil hindi naman siya naniniwala sa engkanto at laman-‐‑lupa. Nagbalik siya sa villa kung saan pinag-‐‑isipan kung sino ang babaeng iyon. Kahihiga pa niyang muli sa kama nang marinig ang pagsara ng pinto sa kabilang silid. Si Val, naisip niya, na marahil ay nagpahangin sa ibaba ng bahay. Hindi niya mapaknit sa isipan kung sino ang magandang babaeng nakita. Saan kaya ito nakatira? Baka sa malapit lang sa villa at dumayo ng paliligo dahil iilan lang naman ang may sariling poso sa lugar na iyon ng Anak Puso; marahil iyon ay isang dalaga na talagang madalas maligo roon. Ah, pasya ni Julian, aabangan ko siya bukas ng gabi! At saka siya natulog. Hanggang sa panaginip ay dinalaw siya ng babae. “KUYA JULIAN!” kalabog ni Val sa pinto. “Gising na’t mag-‐‑aalmusal na!” Nasa harap na sila ng hapag nang may mapansin si Aling Fina sa amo. “Mukhang puyat ka yata, ha, Julian?” usisa nito. “Muntik na kasing mawala ang singsing at kuwintas ni Lolo,” tugon nito habang hawak ang tatangnan ng puswelo ng kape na hindi nito mainum-‐‑inom dahil ang babae pa rin sa batis ang nakikita sa balintataw. “Aba, Hijo, mawala na ang lahat, huwag lang ang mga iyon na unang pundar ng iyong lolo!” Hindi umimik ang lalaki. Si Val naman ay napamata lamang at saka inubos ang kanyang kape. Pagkuwa’y nagyaya na siyang bumaba sa silong. “Bilisan mo d’yan, Kuya Julian,” aniya. “Marami pa tayong gagawin!” Humigop muna ito ng kape at saka tumindig upang sumunod. Humabol naman si Aling Fina. “Hoy, hindi ka pa tapos kumain!” Hindi ito pinansin ng lalaki. Napailing na lamang ang mayordoma. Marahil ay nasa isa na naman sa mga mood nito ang alaga. Iba talaga ang maraming isipin; umaakto sa kataka-‐‑takang paraan! SA SILONG, naibaba na nila nang buo ang makina ng Mercedes Benz at nalinis na ang mga dapat linisin. Hanggang doon na lang muna sila hangga’t hindi dumarating si Eric na siyang bumili ng spare parts na kailangan nila. “Mapaandar pa kaya natin ito, ha, Kuya?” tanong ni Val na naupo sa bangkito habang pinapanood si Julian sa pagpupunas ng kaha ng kotse. “Kung hindi, ano pa ang suggestion mo?” “Palagay ko’y pang-‐‑museum na lang ’to,” tugon niya. “O kaya’y palitan natin ang makina.” “Puwede rin,” seryosong tugon nito na huminto sa paglilinis ng kaha. “Val, gusto mo bang maligo sa batis mamayang gabi?” “Naku!” tigas na tugon niya. “Ayoko, Kuya. Pagod na pagod ako sa ginawa natin maghapon! Matutulog ako nang maaga.” Sa isip ni Val, pupunta ulit siya roon sa batis, ngunit kung pupunta rin doon si Julian ay iiba na siya ng puwesto. Mga bandang alas diez nang tumakas siya dala ang kanyang mga gamit pampaligo. Ilang ulit niyang pinakiramdaman si Julian at naisip na marahil ay natulog na ito. Pagdating sa batis ay sa kabilang dako siya naligo kahit hindi niya masyadong nagustuhan doon dahil mababaw ang tubig. At least, nakapaligo siya. PAGKAALIS NI VAL sa batis ay siya namang dating ni Julian upang abangan ang pagdating ng babae na nakita nang nakaraang gabi. Hanggang ala una ng umaga siya naghintay bago bigong bumalik sa bahay. Ngunit may resolusyon siyang muling babalik doon sa susunod na gabi upang mag-‐‑abang. Halos hindi siya nakatulog; mas maaga pa nga siyang nagising kaysa kay Aling Fina. Dinatnan niya sa ibaba ng bahay si Tata Julio na sinisigaan na ang mga natuyong dahong nawalis sa ilalim ng puno ng bignay. “Tata Julio,” ani Julian, sabay lapit dito, “may kakilala ba kayong babae na nakatira dito sa malapit?” Napakunot ang dati nang kulubot na noo ng matanda. “Ang kilala ko lang ay sina Conchita at Barang doon sa kabilang dulo nitong Callejon Trece,” tugon nito. “Mayroon pang ilan doon sa may kabila ng Doce. . Ano ba ang hitsura ng babaeng sinasabi mo?” “Mga kasing-‐‑taas ni Val,” tugon niya. “Balingkinitan ang katawan, maputi ang kutis, maliit ang mukha. Nakita ko siyang naliligo sa may batis sa duluhan.” Napaangat ang kilay ng kausap. “Sa batis ba ’ika mo?” “Oho,” tugon niya. “Ginamit pa nga ’yung naiwan kong sabon.” “Aba’y may lumalabas ngang babae doon tuwing gabi!” bulalas nito. “May sa engkanto ang batis na iyon lalo na ’yung dako ng malaking balete. Ineengkanto daw ng babaeng iyon ang bawat makakita!” Napasimangot si Julian. Kung gayon pala ay naengkanto na siya kaya hindi niya maalis sa isipan ang hitsura ng babaeng iyon! What a ridiculous idea! But she seemed so real! Muli siyang pumanhik sa itaas; sinundan siya ng tingin ni Tata Julio na napapailing. Mukha ngang naengkanto, nasa isip ng matanda. Nag-‐‑chess na lang sila ni Val maghapon dahil wala pa rin si Eric na may dala ng spare parts para sa auto. “Checkmate!” anunsyo ni Val. “Talo ka na naman, Kuya.” Napasimangot siya at pinagmasdang mabuti ang posisyon ng mga tauhan. “Oo nga, ano?” aniyang napapakamot. “Bumawi ka na lang bukas.” Tumindig ito at nagtungo sa silid-‐‑tulugan. Naiwan sa balkon si Julian at ina-‐‑analyze kung paano siya natalo. Sa sampung rounds nila maghapon ay pitong beses siyang natalo ni Val. Tingin niya sa binatilyo na lalambut-‐‑lambot ay parang grandmaster kung bumira ng ahedres. Mayroon itong isip na magaling magkalkula, isang katangiang karaniwang mayroon ang mga lalaki ngunit rare para sa mga babae. Sa isiping iyon ay iwinaksi niya ang pagiging binabae ni Val. Talaga lang sigurong lambutin ito. NANG GABING IYON ay nagtungong muli si Julian sa batis. Bigo na naman siyang makita ang babaeng pinagpapantasyahan at nagpasyang aalis na nang makita si Val na lumabas mula sa bahay. “Hoy, Val!” tawag niya rito. Nagulat man ay napalapit ito kahit puno ng kaba ang dibdib. “Bakit, Kuya Julian?” tanong nito, sabay dalangin na normal sana ang boses-‐‑lalaki nito. “May nakita ka bang babae dito?” tanong niya. “Babae?” ulit nito. “Sinong babae?” “Babaeng naliligo,” tugon niya na itinuro ang batis. “Dito mismo sa batis na ito.” “Naliligo?” Napangisi ang binatilyo at tinitigan siya na may salbaheng tingin sa mga mata. “Kuya, namboboso ka ng babae?” “Baliw, hindi!” seryosong sagot niya. “Nakita ko siya noong isang gabing balikan ko ang singsing ko’t kuwintas dito.” “A-‐‑ano’ng hitsura niya?” kinabahang tanong nito. “M-‐‑maganda ba?” “Napakaganda!” kaagad na tugon niya. “Probably one of the most extraordinary faces I’ve ever seen.” Ganoon ba ako? isip ni Val. “Ikaw,” muling sabi ni Julian, “bakit ka nandito?” “M-‐‑maliligo sana ako, eh,” tugon nito. “Pero nagbago na ang isip ko.” “O sige, maligo ka na’t hihintayin kita.” “A-‐‑ayoko na!” ani Val na nagsimula nang mag-‐‑ retreat pabalik sa villa. “May lumalabas palang babae d’yan! May momo!” Napakamot na sumunod si Julian. Umiral na naman ang pagka-‐‑chicken-‐‑hearted ng kanyang alaga. BIYERNES NG HATINGGABI nang muling dumating si Eric. “Guess who dropped by my house the other day?” una kaagad nitong balita. “Sino?” tanong ni Julian na tinulungan ang kaibigan sa mga dalang bagahe nito. “Pinsan mo. Pare, na-‐‑miss ka na niya,” pabirong pakli nito nang makapanhik na sila. “Baka naman nasundan ka?” “Ilang beses akong nag-‐‑stopover kung saan-‐‑saan para lang masiguro kung may sumusunod sa akin,” tugon ni Eric na umupo sa galinera. “Una’y dinala ko kaninang hapon kina Maribel ’yung isa kong kotse, ’tapos ay umalis ako ng opisina ko na ang dala ay ’yung Feroza. Umuwi ako sa amin, then when I went out again, ’yung BMW naman ang dala ko. Pare, para akong nag-‐‑model ng mga sasakyan sa ginawa kong pagpapalit! So, here I am. . Pajero nina Maribel ang dala.” Natawa si Julian sa narinig; mabuti na lang at may isang Eric na matiyaga para puntahan siya. “Kumusta naman sa opisina?” tanong niya. “Okay naman,” sagot nito. “Ipinadala na ng sekretarya mo ang laptop computer mo para konektado ka naman daw sa opisina dahil hindi siya makapagdesisyon masyado.” “Kaya nga hindi ko dinala ’yon,” angal niya. “Makakaisip pa ba naman ako na bantayan ang mga nangyayari sa stock market kung ganitong namemeligro ang buhay ko?” “Pare, talaga bang ninenerbyos ka na?” birong tanong nito na ipinatong ang kamay sa balikat niya. “Palit tayo ng katayuan,” seryosong hamon niya. “Pare, may kasabihan, ‘all that is mine is yours!’” tugon nito na humilata sa mahabang galinera. “So, okay lang kung lahat ng kotse mo, akin din; lahat ng mga babae mo, akin din. . Pero kamatayan mo, Pare, solohin mo!” “Some friend!” natatawang tugon niya. “Ano, magmi-‐‑midnight snack ka pa ba bago matulog?” Tumindig na siya. Gayundin ang ginawa ng kaibigan. “Huwag na lang; pagod na ako’t inaantok. Nakakaantok ang hangin dito sa probinsya, eh.” “Sige, bahala ka. Good night,” paalam niya. PAGKATAPOS NG GAWAIN SA KOTSE na ayaw pa ring umandar ay darts naman ang hinarap nila pagdating ng hapon. Tumigil lang sila para maghapunan, pagkatapos ay ini-‐‑resume ang paligsahan. “Thirteen, close!” ani Val na siyang scorer ng dalawang lalaki. Pabagsak na ang mga mata nito sa antok. May kasama pang inuman ng serbesa ang kanilang laro kaya natatagalan sina Julian at Eric. “Hoy, Valentino!” tawag ni Julian sa atensyon nito. “Close na ang twelve!” Naalimpungatan na ini-‐‑score-‐‑an ni Val ang doce. “Bagsak na ang scorer natin,” puna ni Eric na umakbay sa kaibigan. “Oo nga,” tugon niya na pansumandaling lumagok sa bote ng beer. “Mukhang kapag nalilingat tayo’y tumutungga din.” “Ano, nareporma mo na ba ’yang alalay mo?” “Lambutin pa rin.” “Ang mabuti pa’y dalhin ulit natin sa beerhouse at hayaan nating mag-‐‑table,” pilyong suhestyon nito. “O kaya’y hayaan nating maglabas ng babae. What do you think?” “Pare,” pabirong sagot niya, “huwag mong igaya ’yung bata sa ’yo. Ikaw kasi, doce ka pa lang nang ma-‐‑devirginized.” “Pare, hindi naman,” angal ng kaibigan na nagkukunwaring nainsulto. “Katorse ako noon.” Nagtawanan ang dalawa. “Pero, Pare,” biglang seryoso ni Julian, “bata pa ’yan. Hayaan na muna natin.” “Right, Pare,” sagot ni Eric. “At saka hindi ba sabi mo’y ma-‐‑solve lang itong problema mo’y hahanapin natin ang mga magulang niya?” Tumango siya. “O, game na ulit?” yaya nito. “Shoot!” tugon niya. “O, Valentino, game na!” Dumilat si Val, inihanda ang sariling mag-‐‑score. “Hoy, bull’s-‐‑eye!” bunghalit ni Julian nang tumama sa gitna ang kanyang flyer. Tumalima si Val upang siyasatin kung talagang sentro nga iyon. “Bull’s-‐‑eye nga,” nanlalata nitong anunsyo. Biglang may lumagitik sa bubungan ng bahay. “Ano ’yon?” tanong ni Eric na napatingin sa itaas. Kasalukuyan silang naroon sa lumang garahe sa tagiliran ng bahay; hindi nila masyadong tanaw kung mayroong gumagala roon dahil sarado sila ng dingding at bahagyang nakasara ang mabigat na pintuang kahoy ng garahe. Lumabas si Julian upang magsiyasat. “Pare,” babala ni Eric, “ingat ka d’yan.” Sumunod ito sa kaibigan. Nang magbalik ang dalawa, okay na ang mood. “Pusa lang pala,” anito nang magbalik sila sa garahe. “O, ano, game ulit?” “Sige, tapusin na natin ito,” tugon ni Julian. Ngunit sa loob-‐‑loob niya, hindi lang basta pusa iyon. Kung iyon na sana ang babae sa batis at sinusubaybayan siya, maligaya niyang pakikinggan ang mga kaluskos nito. Pero hindi niya masabi kay Eric ang tungkol doon at baka mapagtawanan lamang siya.
Chapter Nine
KAHIT NAKAINOM NG ILANG BOTE ng beer ay maaga pa ring nagising si Julian. Kaagad niyang ginising si Eric dahil pupunta sila sa duluhan kung saan may ilog. “We’ll go fishing, Pare,” sabi niya. “Ipinahanda ko na kay Tata Julio ’yung mga fishing rod ni Lolo.” “Pare naman,” angal ni Eric na napilitang bumangon. “Baka kahit maliit na hipon ay wala tayong mahuli doon?” “Meron daw, sabi ni Tata Julio.” “Pare, ikaw na lang kaya?” “Okay ang fishing, Pare,” pilit pa niya. “Mag-‐‑ iihaw tayo ng isda; gagawin nating pulutan.” “’Yan!” Bigla itong tumindig nang marinig ang salitang ‘pulutan.’ “’Yan ang dahilan ng ipinunta ko dito!” Iiling-‐‑iling si Julian na lumabas ng silid upang alamin kung handa na ang mga fishing rod at ang kanilang baon. Naunang bumaba si Val na bitbit ang isang picnic basket. Naghihintay na si Tata Julio sa may tarangkahan tangan ang tatlong pamingwit. “Mamimingwit lang tayo’y kuntodo-‐‑bihis ka pa!” sabi ni Julian habang bumababa sila ni Eric. Nang makababa ng hagdanan ay hinintay pa niya ang kaibigan na nasa kalagitnaan at nagsusuklay ng buhok. “Bilisan mo!” “Coming! Coming!” Lumagabog ang hagdang narra nang bumaba si Eric. Si Julian naman ay dumeretso na upang tulungan ang caretaker sa pagbibitbit ng mga pamingwit. Nang makababa ay biglang natigilan si Eric. Napapitik ang mga daliri; may nakalimutan ito. Pagbuwelta nito paakyat muli ng hagdanan, sa paghakbang pa lamang ng kanang paa sa unang baitang, may bumagsak na mabigat na bagay sa kaliwang binti nito! Napalingon sina Julian sa noon ay namimilipit sa sakit na si Eric. Bumagsak ang rebultong leon sa ituktok ng bubong na siyang adorno roon! Napaupo noon si Eric; nakapatong pa rin sa kaliwang binti ang mabigat na bagay. “Pare. . kaibigan mo ako.. huwag mong gagalawin iyan,” anito na hindi maipinta ang mukha sa sakit na nadarama. “Magkakamatayan tayo, P’re!” Hindi iyon inintindi ni Julian. Dahan-‐‑dahan niyang binuhat ang rebulto at nagulat sa bigat niyon. “Malamang na nabalian ka ng buto,” sabi niya nang maisantabi ang adorno. “Baka nga kung sa ulo ka tinamaan, Amang,” sabad ni Tata Julio, “malamang ay patay ka!” Nanlaki ang mga mata ni Eric. Napatingin naman sa bubungan si Julian, gayundin si Tata Julio. Noon naman ay nailabas na ni Val ang Land Cruiser mula sa garahe at handa nang isakay si Eric upang dalhin sa pagamutan. “Tayo nang buhatin siya,” yaya ni Tata Julio kay Julian. Nagtulong ang dalawa na maisakay ang binata. Si Aling Fina ay kaagad na tinawag mula sa kusina upang samahan nito si Eric sa hospital. Habang nasa daan ay may naisip si Eric. “Pare,” anito na nakangiwi sa sakit, “hindi kaya may kinalaman dito si Orly?” Hindi tumugon si Julian. Todo ang konsentrasyon niya sa pagmamaneho pero ganoon din ang iniisip. “S-‐‑sabi pa. . ni Tata Julio noong minsan,” patuloy nito, “sinikap niyang umakyat sa bubong para tingnan kung may dapat palitan na tisa.. . Inayos din.. niya ’yung turnilyo ng leon.” Nakinig lang si Val sa usapan sa pagitan nina Eric at Julian. Hindi siya tanga para hindi mahinuha na nasa panganib nga talaga ang buhay ng huli. Ang tanong sa kanyang isip ay: Bakit? Kaya pala nagtitiyaga ito sa simpleng buhay sa probinsya at si Eric ang pinag-‐‑aasikaso ng mga business matters sa Maynila. Sa kabisera sila nagpunta dahil doon lang may hospital para masementuhan ang binti ni Eric. Hinintay nina Julian at Val na maisaayos iyon bago sila umalis. “Babalik na lang kami mamayang gabi, Aling Fina,” ani Julian nang papaalis na sila. “Dito na muna kayo’t bantayan n’yo si Eric.” Nag-‐‑long distance na rin ang lalaki sa Maynila upang sabihan ang ama ng kaibigan tungkol sa nangyari. “Pare,” sabi ni Eric nang magpaalam siya, “baka alam na ni Orly kung nasaan ka; bumalik ka na sa Maynila. Mag-‐‑change location ka na.” Napatiim-‐‑bagang si Julian. “Kung dito kami magkakaharap,” tugon niya, “so be it! Naghihintay ako sa kanya!” “Kung ’yan ang pasya mo,” anito na nalulungkot para sa kanya. “Pagdating ni Papa ay uuwi na rin ako.” “Sige, Pare,” tugon niya na tinapik ito sa balikat. “Babalik na lang ako mamayang gabi. Siguro, by that time, nandito na ang papa mo.” “Sige.” Tahimik na nagmaneho si Julian pabalik sa villa, kasama si Val. Marami sanang nais itanong ang huli ngunit wala sa mood ang bossing. Ipinahanda nito kay Val ang mga gamit ni Eric upang madala nila sa pagbabalik sa hospital. Sinuri niyang muli ang nalaglag na rebulto; umakyat pa siya sa bubungan upang malaman din kung bakit iyon natanggal sa kinaluklukan. Napailing siya nang makitang tanggal nga ang napakalaking turnilyo at halatang matiyagang nilagari ang mga bakal na nagsusugpong sa rebulto. Napakaliit nga naman ng mundo, aniya sa sarili. Nang dumilim ay tinawag na niya si Val dahil babalik na sila sa kabisera. Nang bumaba ito, inihagis niya rito ang susi ng Pajero. “Ikaw ang mag-‐‑drive ng sasakyan ni Eric,” utos niya. Walang kibong tumalima si Val upang sumakay sa Pajero. Pagdating nila sa highway, hindi nito alam kung makikipagkarera nga ba siya kay Julian. Para kasing speed maniac ang huli sa tulin. Ah, ani Val na ikinambiyo ang sasakyan sa pinakamatulin na gear at saka diniinan ang tapak sa silinyador, you asked for it! Mayamaya ay napapanganga ang iba pang mga motorista sa highway dahil sa bilis ng takbo ng dalawang sasakyan. Hanggang tainga ang ngiti ni Val nang sabay silang sumapit sa harapan ng hospital. Halos sabay rin silang nakababa. “Kasama ng papa ni Eric ang driver nila,” balita ni Julian nang pumasok sila sa lobby ng hospital. “Ibigay mo mamaya ang susi.” Napansin niya ang tinginan ng mga nurse nang makita ng mga ito si Julian; kinilig ang mga ito. Marahil ay minsan lang makakita ng ganoong sight sa hospital na iyon. “Ang guwapo, ’no?” narinig ni Val na sabi ng isa. “Parang artista!” tugon naman ng isa. Tinawag pa siya ng mga ito. “Psst! Ano mo ’yon?” tanong ng nurse. “Kuya ko, bakit?” supladong tugon niya. “Ipakilala mo naman kami,” anang nurse. “Binata pa ba siya?” “Suplado ’yon, eh,” tugon niya na kumamot sa batok. “At saka malapit nang ikasal.” Humabol na lang si Val sa napakabilis lumakad na si Julian. Hanggang umaga sila naghintay sa papa ni Eric. Pagdating nito, kaagad din silang umalis patungong Maynila dahil may hahabulin pa raw itong flight papuntang Cebu sa bandang hapon. Tahimik ang biyahe nina Julian at Val pabalik sa Villa Antonina. Pagdating din doon ay parang abnormal dahil wala na ang maingay na si Eric. Nagkaroon lang ng ingay nang sabihin ni Aling Fina na kailangang magpunta sa palengke upang bumili ng karne dahil nakakasawa na ang de-‐‑lata. “Kami na lang ni Val ang pupunta,” ani Julian na hiningi ang listahan ng kanilang mga bibilhin. Napataas ang kilay ni Aling Fina. Kailanman ay hindi ginawa ng alaga ang mamalengke. Baka nais lang na may magawa. Si Val ang pinamimili ni Julian ng sariwang isda nang madinggan nila ang dalawa pang mamimili na nag-‐‑uusap. Hindi sana nila papansinin ang usapan ng mga ito kung hindi nabanggit ang pangalan ng lolo ni Julian. “Naku, Mare!” anang isa. “Nagkaroon nga ng tao doon sa bahay ni Señor Joaquin pero tila lumipat ang mga espiritu d’on sa isa pang haunted house!” Ang sinasabi na isa pang haunted house ay ang bahay sa kabilang dulo; mas luma iyon kaysa sa villa ng lolo ni Julian. “Nakakatakot naman!” tugon ng isang palengkera. “Nakarinig ang mga bata ng kaluskos d’on sa bahay,” patuloy pa na kuwento ng isa. “Hindi ba kahit tagabantay ay wala doon? Mabuti pa sa bahay ni Señor Joaquin at nandoon si Tandang Julio.” Ini-‐‑dismiss iyon nina Julian at Val bilang kuwentong palengke lamang. Bumalik na sila sa villa na talagang isang tingin pa lamang ay mukhang haunted na. Ano pa kaya ang masasabi ng superstitious na mga taong taga-‐‑roon sa isa pang mas lumang bahay? NANG HAPONG IYON ay nag-‐‑chess na lamang sina Julian at Val. Talunan na naman ang una sa kanilang tournament. “Kung mayroon nga lamang ba akong maitataya,” ani Val, “nakipagpustahan na ako. Mayaman na sana ako ngayon.” Natigil sila sa paglalaro dahil nagtawag na si Aling Fina para maghapunan. Naglaro rin sila ng computer games sa laptop ni Julian dahil ayaw makipaglaro ni Val ng darts dito; nakita kasi niya kung paano maglaro ang huli. Idinahilan na lang niyang medyo malabo ang kanyang mga mata. Pero ang totoo, hindi siya marunong at kailanman ay hindi pa niya nasubok ang mag-‐‑darts. “Intellectual games lang kasi ang alam ko,” pagmamayabang pa niya. Umulan nang gabing iyon. Nang pumasok sila sa kani-‐‑kanyang silid ay may tulo mula sa bubong. Napailing si Julian. Akala nito ay natingnan na ni Tata Julio ang mga tisa? Naisip na lang niyang baka ten years ago pa iyon dahil nang tingnan niya ang kisame ay napansin niyang lunod na ang mga iyon sa matagal nang pagkakatulo mula sa bubungan. Halos sabay sila ni Val na lumabas ng kani-‐‑ kanyang silid. “Sa tapat pa ng kama ko’y may tulo,” ani Val. “Iniurong ko na lang sa kabilang tabi ’yung kama. Kasi, hindi naman ako makatulog sa patak ng tubig.” Ganoon din ang ginawa ni Julian sa kama nito; nahirapan pa nga itong itulak iyon dahil napakabigat. Buti iyong kama ni Val at single lamang pero ang kanya ay matrimonial na narra na solera. Pareho nilang bitbit ay mga kumot at unan at parehong balak na maghanap ng lugar na matutulugan kung saan walang tulo. Ang sala ang kasagutan sa kanilang suliranin. “Akin na ’yang kumot mo,” ani Julian. Iniabot iyon ni Val at pinanood ito sa paglalatag niyon sa sahig. Kinuha nito ang kanyang unan na inilagay pansumandali sa isang sofa at saka ipinuwesto iyon sa bandang gilid ng inilatag ng kumot at saka siya inanyayahang mahiga. “O, higa na,” sabi nito. “Don’t tell me, hindi ka cowboy? Pakikuha na rin ang kumot ko’t salo na lang tayo.” Atubiling kinuha niya ang kumot sa ibabaw ng sandalan ng sofa at inihagis iyon dito. “Mahiga ka na,” yaya ulit nito na kinumutan ang baywang pababa; naka-‐‑expose ang katawan nito, ang suot ay pang-‐‑ibabang pajamas lamang. Napalunok si Val; mabuti na lamang at hindi nakita ni Julian ang kanyang pag-‐‑aatubili dahil pumikit na ito. Sa kabilang dulo siya ng kumot nahiga. Siguro naman ay hindi na siya maabot doon sakaling gumalaw ang katabi niya sa pagtulog; siya ay siguradong hindi malikot matulog. Lumipas ang gabi. Naging mababaw ang tulog ni Val ngunit nang magmamadaling-‐‑araw na at hindi na niya matiis ay nakatulog siyang nakatalikod kay Julian. Ayaw niyang makisalo sa kumot. Malamlam ang sinag ng umaga. Unti-‐‑unti ang pagliliwanag. Naalimpungatan si Julian na magkadikit ang mukha nila ni Val. Curious, hindi siya gumalaw dahil baka magising ang katabi. Natagpuan niya ang sarili na tinititigan ito. Sa liwanag na naglalagos sa mga bintanang capiz ay sinipat niya ang kabuuan ng mukhang iyon na kulang na lang ay mahabang buhok—babae na ang kanyang kasiping!
Chapter Ten
NATAGPUAN NI VAL ang sarili na nako-‐‑ conscious dahil nang nag-‐‑aalmusal na sila ni Julian ay titig na titig ito sa kanya. Kahit nahuli na niya itong nakatitig ay hindi pa rin naglubay sa pagtitig sa kanya. Kinabahan siya. Ngunit ano naman ang magagawa ng kaba? Dapat ay sinabi na niya noon pa na siya ay babae nang hindi na niya tiniis ang pagbabalatkayo bilang lalaki. Lalo pa ngayon na alam na niyang pareho sila ng katayuan—pareho silang nanganganib ang buhay. Itinuloy nila ang pagkukumpuni sa kotse. Wala silang kibuan sa pagtatrabaho. Mga instruction lang na kinakailangan ang kanilang salitaan. Hanggang hapon ay nagtrabaho sila imbis na mag-‐‑chess. Nabuhayan kasi sila ng loob nang medyo umi-‐‑start ang kotse. Inabot sila ng dapit-‐‑ hapon. Naririnig na nga ni Val ang paghapon ng mga manok ni Tata Julio sa likod ng bahay. Inisip niya kung anong uri ng buhay mayroon ang matanda. Malamang na nagpapahinga na ito sa maliit na bahay sa likod ng malaking bahay matapos gawin ang kinaugaliang paglilinis ng bakuran. Nasa ilalim ng kotse si Julian sa kasalukuyan at may kinakalikot sa chassis. Nakaabang lang si Val sa tools na iaabot dito. Nang walang anu-‐‑ano ay isang nangangapal na palad ang tumakip sa walang kamalay-‐‑malay na si Val; kasunod niyon ay malalaking braso ang dumaklot sa kanyang katawan kaya hindi siya nakasigaw at nakakilos upang alertuhan si Julian. “Val, ang pliers,” sabi noon ni Julian na hindi alam na may nangyayari na sa sidekick. Walang sumagot. “Val, ang pliers nga?” ulit niya. Wala na namang sumagot. Umusad siya upang alamin kung bakit walang Val na nag-‐‑aabot sa kanya ng kailangan. Hindi pa man siya nakakabangon mula sa pagkakahiga ay baril na revolver ang nabungaran niyang nakatutok sa kanyang mukha. “Surprised?” ngiting-‐‑asong bati ni Orly. Hinayaan ni Orly na makatayo ang pinsan; nakatutok pa rin ang dulo ng baril nito sa kanya. Noon naman ay nakita ni Julian si Val na tangan ng isa sa dalawang kasamahan ni Orly. May busal na ang bibig ito. Sinenyasan ni Orly ang isa pang kasama para talian siya; pagkatapos ay binusalan din ang bibig niya para hindi makasigaw. Piniringan din sila para hindi nila makita ang dadaanan. Dinig ni Val ang pagtadyak kay Julian ng lalaking tawag ng isa ay ‘boss.’ Iyon marahil si Orly, hula niya. Nagsimula na silang maglakad. Una ay tahimik ang mga lalaking dumukot sa kanila. Nang tumagal-‐‑tagal ay nagsalita na ang mga ito. Marahil ay malayo na sila kung saan maaaring mayroong makarinig. “Napakagandang hideaway ang napili mo, ’Insan,” ani Orly. “Napakalayo pero napakaganda!” “Eh, Boss, ang bagal nitong isa!” angal ng isa. “Tadyakan mo!” galit na tugon ni Orly. “Ang hina talaga ng kukote mong tanga ka!” Muli na namang natadyakan si Julian. Kinilabutan si Val sa nai-‐‑imagine na hitsura na ni Julian dahil kung anu-‐‑anong banat na ang ginawa ng mga lalaki rito. Mabuti na lamang at akala sa kanya ay isa lamang binatilyo kaya hindi siya napag-‐‑ iinitan. Naramdaman ni Val na nabasa ang kanyang mga paa hanggang bukung-‐‑bukong. Tumatawid sila sa isang mababaw na ilog. “Alam mo ba, ’Insan, kung paano ko nalaman kung nasaan ka?” tanong ni Orly sa hindi naman makakasagot na si Julian. “Matinik lumusot si Eric, eh, kaya napilitan akong magtanung-‐‑ tanong. . At siyempre, dahil ako’y isang Jarlego, matalino ako! Pinuntahan ko si Atty. Galvez, ’yung matandang makulit? Napuntahan ko na kasi lahat ng bahay-‐‑bakasyunan ni Lolo, eh, wala ka sa mga iyon. Pero ilan lang naman ang alam kong puntahan ni Lolo. Naiisip ko na baka mayroon akong hindi alam kaya inalam ko kay Atty. Kulit! At siyempre. . he-‐‑he. . konting kulitan.. . Ayaw ding makihati ni Kulit sa makukuha ko, nakuha ko siya sa tutok! Hayun ang matanda, inilabas ang listahan niya ng mga ari-‐‑arian ni Lolo! Bingo!” Hindi na nila alam kung saan na sila nakarating. Narinig na lamang nina Julian at Val ang pagbukas ng isang pinto na sa tunog pa lamang ay nakakapanindig-‐‑balahibo na. “Saan tayo, Boss?” tanong ng isang kasama ni Orly. “Sa ibaba, Tanga!” Kung anu-‐‑anong mura ang lumabas sa bibig nito. “Ang kukunat talaga ng mga tuktok n’yong gunggong kayo!” galit pang dagdag nito. “Napagplanuhan na nga nati’t lahat ng gagawin, tanong pa kayo nang tanong! Kumilos nga kayo nang maayos, mga ’tangna n’yo!” Sumunod naman ang dalawa kahit naaasar na sa kamumura ni Orly. Narinig pa ni Val ang bulungan ng mga ito. “Kung hindi nga lamang ba malaki ang ibabayad mo. . ” “Pagkatapos nga nito’y huwag na tayong kakabit sa tarantadong ’yan,” tugon ng isa. “Basta kunin na natin ang bayad at sumibat na tayo!” Isinalya ng isa si Val sa sahig. Naramdaman niya ang lamig ng semento. Ilang sandali pa ay narinig niyang si Julian naman ang sapilitang pinaupo sa kung saan. Narinig nila ang pagkaripas ng maliliit na paa. Mga daga! Kinilabutan na naman si Val, mas natakot sa daga kaysa sa maaari niyang sapitin. Hindi naman siya makasigaw dahil nga sa busal sa bibig. Naramdaman niyang tinanggal ang piring sa kanyang mga mata. Nang masanay ang paningin sa kakaunting liwanag na nagmumula sa isang kandilang nakatayo sa kalagitnaan ng silid ay nakita niya si Julian at nalunos siya sa hitsura nito—walang kalaban-‐‑laban at duguan ang mukha. “Eh, Boss, ano ang gagawin natin sa isang ito?” tanong ng isang pusakal na siya ang tinutukoy. “Hindi ito kasama sa plano, hindi ba?” “Ano sa palagay mo ang dapat gawin d’yan?” inis na tugon ni Orly na nagsindi ng sigarilyo. Nagkatinginan ang dalawang pusakal; parang nagkasundong ibuhos na lamang sa kanya ang galit nila kay Orly. Kaagad na kumilos ang isa upang damputin siya. Nang makatayo ay nagpipiglas siya, umigkas ang mga paa para sumipa. “Kaliliit n’yan, hindi n’yo pa makaya, mga tanga kayo!” Pinitseran ng isa si Val at dinaklot ang kuwelyo ng manipis na kamisedentro. Sa kapipiglas niya ay napunit ang kanyang damit. Tinuluyang waratin iyon ng isa sa mga kasamahan ni Orly at nagulat dahil imbis na dibdib ang makita ay puno pala iyon ng benda. “Ano ito?” takang tanong ng pusakal na dinalirot ang gilid ni Val upang tanggalin ang napakahabang bendang nakapalibot sa katawan niya. Nanlaki ang mga mata ng mga ito nang tumambad ang kanyang katawan. “Eh, Boss,” tawag ng isa kay Orly na noon ay nakatalikod mula sa kanila, “bebot pala itong isang ’to, eh!” Nagkatinginan sina Julian at Valentina. Lubos na takot ang nakita ng lalaki sa mga mata ng dati ay alam niyang si Val. Nagpumilit siyang makawala; pinilit na matanggal ang busal sa kanyang bibig. “Ano ngayon?” walang keber na tugon ni Orly. “Kung hayok kayong mga gago kayo’y inyo na!” “Pero, Boss, maganda ’to!” “Maputi!” Lalong natakot si Valentina sa kahayupang nakita niya sa mga mata ng dalawang lalaki; naglalaway pa ang mga ito at tutok ang mga mata sa kanyang nakahayang na dibdib. Sa wakas ay natanggal ni Julian ang busal sa bibig nito. “Huwag n’yo siyang gagalawin!” tigas nitong pakiusap. “Ibibigay ko kung ano ang gusto n’yo! Kahit magkano!” Napalingon si Orly sa direksyon ng pinsan. “Talaga? Ha, ’Insan?” sarkastikong tugon nito. “Ibibigay mo naman pala, eh, bakit pinahirapan mo pa ako?” Pinindut-‐‑pindot ng isa ang suso ni Valentina. “Tigilan n’yo iyan!” sigaw ni Orly. “Marami kayong matitikmang babae pagkatapos ng operasyong ito! Itali n’yo silang mabuti! Doblehin n’yo!” “Boss,” angal ng isang pusakal, “sayang—” “Tanga!” tugon ni Orly na nawawalan na ng pasensya. “Dadagdagan n’yo pa ang kaso natin! Bumawi na lang kayong mga gago kayo pagdating natin sa Maynila!” Muli na namang natagpuan ni Valentina ang sarili na nakaupo sa lapag; dinagdagan ang kanyang pagkakatali. Gayundin si Julian na muling binusalan ang bibig. Nakahinga man kahit papaano dahil hindi natuloy ang balak ng dalawa sa kanya ay hindi pa rin tumigil ang malakas na pagtibok ng dibdib ni Valentina. Natatakot na talaga siya. Naisip niya ang kanyang ama na malamang na nag-‐‑aalala sa kanya mula nang umalis siya patungong Maynila. Ngunit hindi rin niya naitanggi na mas natatakot siya para kay Julian. Nang matapos itong talian sa katawan, maging ang mga binti ay sinipa ito ni Orly sa tagiliran; napahiga itong patagilid. “Siguro naman ay alam mo kung saan ka nandoon ngayon, Pinsan,” seryosong sabi ni Orly. “Nandito ka sa kapitbahay na haunted house! Ang galing, ano? Walang nais pumasok dito dahil pugad daw ito ng mga espiritung gumagala at sumasanib sa tao; nandito ka ngayon sa pinakailalim ng basement! Talagang sinadyang gawin para mapadali ang pagpatay ko sa ’yo. Actually, hindi kita papatayin. . kahit inaakala mong napakasama ko’y hindi naman ako mamamatay-‐‑tao. . Iiwanan kita dito, kasama ng iyong sabit na tomboy. . Maiiwan kayo dito hanggang sa kayo’y magutom at mamatay! Eh, di malinis nga naman ang kamay ko.” Humalakhak ito; tila si Satanas ang narinig ni Valentina. “At kapag ika’y namatay na.. o kahit buhay pa’t naghihingalo sa gutom at uhaw, lalapitan ka ng mga daga! Kakainin nila ang laman mo!” Pagkasabi niyon, napansin ni Orly ang mga daliri ni Julian. “Ah, Pinsan, masyado kang overdressed para sa pagre-‐‑repair lamang ng isang bulok na kotse.” Nilapitan siya nito at saka tinanggal ang suot na singsing na brilyante. “Mana mo kay Lolo? Akin na lang, ha? Pati na rin ’yang kuwintas mo. May pitaka ka ba d’yan na maraming laman?” Hinalbot nito ang kuwintas mula sa leeg ng lalaki at nagdugo ang kanang bahagi ng leeg niya dahil makapal ang ginto niyon; kinapkapan siya ni Orly sa bulsa at kinuha ang kanyang pitaka. “Ang yaman talaga ng pinsan ko!” nagmamalaking sabi nito sa mga kasamahan. “Tayo na!” Naiwan sina Julian at Valentina na parang mga manok na walang laban. Narinig nila ang pagsara ng isang pinto; alam nilang wala silang katakas-‐‑ takas! Sinikap ni Valentina na matanggal ang busal sa kanyang bibig. Kailangan nilang makawala. “Haah!” ani Tina nang matanggal ang busal. Kaagad siyang napatingin sa sulok na kinasadlakan ni Julian. Tanging ang mga mata nito ang nakipag-‐‑communicate. “We must get out of here!” takot na sabi ng dalaga sa kanyang normal na boses. Umusad siya patungo kay Julian; imposibleng magamit niya ang kanyang mga kamay dahil magkasalikop ang mga itong nakatali sa likod niya; wala siyang ibang magagamit kundi ang kanyang mga ngipin. Hinayaan niyang mapahigang patagilid ang sarili; sobrang hirap ang dinanas niya, makausad lang palapit sa lalaki. Itinapat niya ang bibig sa mga kamay nito. Napakatagal na proseso iyon; inabot ng ilang oras dahil napipilitang tumigil si Tina sa sobrang pagod. Naubos na ang kandilang iniwan nina Orly kaya lalong naging mahirap ang pagkalag sa tali. Sa tiyaga ay lumuwag iyon! Naramdaman na lamang ni Julian na naigagalaw na nito ang mga braso; mayamaya ay ito naman ang bumaling kay Tina dahil nakawala na ang mga kamay niya ngunit hindi naman makakilos dahil nakatali ang mga braso niya sa kanyang tagiliran. Mas naging madali ang pagkalag sa tali ni Tina dahil hindi masyadong nahigpitan iyon. Nang makalag na pati pagkakatali ni Julian sa mga binti at paa ay walang salitaang nagyakap sila sa pasasalamat sa Diyos dahil ligtas na sila sa panganib—pansamantala! “Let’s go!” ani Julian na tinanganan ang braso ni Tina sa dilim. Hindi naging mahirap ang paglabas nila ng basement dahil nakalimutan ng isa sa mga tauhan ni Orly na ikandado iyon. Dahan-‐‑dahan silang nangapa sa dilim hanggang sa makalabas ng pinto; baka sakaling nandoon pa kasi sina Orly. “Wala na sila,” bulong ni Julian na nilingon si Tina. May bigla itong naalala; babae nga pala si Val. Kaagad nitong hinubad ang polo shirt at isinuot iyon sa dalaga. “Thank you,” ani Tina na napatitig sa mukha ni Julian na kita niya mula sa sinag ng kalahating buwan na puno ng concern para sa kanya. “Thank you for saving us. . ” pasalamat din nito. Nang makarating sila sa may ilog kung saan alam na nila ang daan pabalik sa duluhan ng villa, may katawan na nakasubsob sa mababaw na tubig. Isang patalim ang nakatarak sa likod nito. Napayakap ang dalaga kay Julian. “Shh. . it’s all right,” anang binata. “I think he’s dead.” Patay na nga ito, at nang lapitan ni Julian para itihaya ay nakumpirma ang hinala na iyon si Orly. Marahil ay pinatay ito ng mga kasama dahil sa mga mamahaling bagay na kinuha sa kanya. Muli nitong nilapitan ang dalaga. “It’s all right, Val. .” “My name’s Tina.. Valentina Aguilar.” “Bakit kinailangan mong mag-‐‑disguise?” tanong ng lalaki nang sila ay pabalik na sa villa. “It’s a long story,” tugon niya. “Gaya mo, my life’s in danger. Buti ka pa, tapos na ang problema mo pero ako. . ” Napahigpit ang hawak nito sa kamay niya at tumugon. “Hindi pa,” anito, “mayroon pa akong problema.” Nagpasya silang sa villa na lamang pag-‐‑usapan ang lahat. Laking pasasalamat ni Aling Fina nang makita si Julian na buhay kahit pulos dugo ang mukha nito. Ngunit hindi nito naitago ang pangingilalas nang makita si Tina. Sa dalaga ito nakatingin habang ginagamot ang mga sugat ng alaga. “Ang pangalan niya ay Tina, Aling Fina,” ani Julian upang mawala na ang pagtatanong sa mukha ng matanda. “Wala na ang ating si Val.” “Sinasabi ko na nga ba’t may itinatago ang batang iyan, eh,” anang matanda na pinahiran ng antiseptic ang sugat ni Julian. “Eh, bakit ka nga ba nagbalatkayo, Hija?” KARARATING PA LANG NI TINA noon galing Amerika nang isiwalat sa kanya ng abogadong ama ang tungkol sa hawak nitong maselan na kaso; involved dito ang hitman ni Cong. Cedric Vasquez. “So, ano ngayon ang problema, Papa?” “Papatayin nila ako kapag hindi ko naipanalo ang kaso ni Barrios,” tugon ni Atty. Aguilar. “Naturalmente, bilang abogado niya ay alam ko kung sinu-‐‑sino ang mga taong involved sa pagpatay niya kay Vicente Carpio na malakas sa mga tao at may balak kumandidato sa susunod na eleksyon. Ayaw ni Cedric na siya ay may kalabang tulad ni Carpio.” “Isa kang abogado, Papa, wala kang kinalaman sa pulitika,” tugon ni Tina. “Basta ilaban mo ang kaso at kapag nanalo’y sumama ka na sa akin sa Amerika.” “It’s not that easy, Tina. Malakas ang ebidensya laban kay Barrios,” tulirong tugon nito. “Nagbanta siyang bago bumaba ang hatol ng husgado ay isasangkot niya si Congressman; at bilang abogado ni Barrios ay sinabi din niya sa akin kung sinu-‐‑sino pa ang mga ipinapatay sa kanya ni Vasquez. Nitong huli ay may ginahasang dalagita si Congressman at si Barrios din ang nautusang maglibing ng bangkay na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.. .” “And you know where he buried. . the body?” nalulunos na tanong ni Tina at naiyak nang tumango ang ama. “Ibigay mo na lang sa iba ang kaso, Papa! Come back with me to the States!” “Bago pa man ako makasakay ng eroplano ay papatayin na nila ako, Anak,” nanlulumong tugon ni Atty. Aguilar. “At kasama ka na rin sa mga target nila ngayon dahil mapaghinala sila na sasabihin ko ang aking nalalaman sa pinakamalapit kong kamag-‐‑anak. . Then you came home. . ” “AFTER THAT, kung anu-‐‑anong mga disguise ang inisip naming mag-‐‑ama,” kuwento ni Tina sa kasalukuyan. “We went to Cebu para kunwari’y mamili sa Duty Free, then I slipped out patungong Davao dahil malamang na iniisip ng mga sumunod sa amin na sa Maynila ako pupunta para makalabas na ng bansa.” “So,” ani Julian, “we have a common denominator—si Cedric Vasquez.” Napatango siya at napahagod sa maikling buhok na noon ay mga tatlong pulgada na ang haba. Napatitig si Julian sa kanya dahil sa hugis ng noo niya; ang aktong iyon na halos kapareho ng ginawa ng babae sa batis habang inaayos ang pagkakabalot ng tuwalya sa ulo. “Tina.. naligo ka ba kahit minsan sa batis? Noong hapon na yayain kita?” Napangiti si Tina at tumango. “Yes, I took a dip that night,” prangka niyang tugon. Lihim niyang ikinatuwa ang maliwanag na ngiti sa labi ng lalaki. PAGKA-‐‑REPORT NILA SA PULISYA ng Puerto Anak Puso tungkol sa bangkay ni Orly na nasa ilog at kung paano ito namatay ay nagbalik na sila sa Maynila kung saan si Eric ang unang tinawagan ni Julian tungkol sa nangyari kay Orly. “Thank God,” laking pasasalamat nito nang malaman ang nangyari. “By the way,” dugtong pa nito, “nalaman mo na bang naaresto si Cedric Vasquez? It’s all over the evening news, Pare!” “Anong kaso?” tanong niya. “Rape,” tugon ni Eric. “Ikinanta siya n’ong hitman niyang si Barrios at lahat ng mga tauhan niya ngayon ay ni-‐‑round-‐‑up na ng mga pulis at kung may nakatakas man ay malamang na magtatago na habambuhay. Cedric will now be very busy with his own defense para maisip pa na ipapatay ka. . ” Nang ibaba niya ang telepono, pakiramdam ni Julian ay tila siya ipinanganak muli. Nabunutan siya ng tinik sa dibdib. Naalala niya rin si Tina; lutas na rin ang problema nito at ng ama nitong abogado. Kaagad niyang hinanap ang dalaga at natagpuan ito sa audio-‐‑video room sa basement. Kasalukuyang ang balita noon ay tungkol sa pagkakaaresto kay Cong. Vasquez. May pahabol pa ng komentarista ukol sa balita: “Ito palang anak ng ating star lawyer na si Atty. Aguilar ay missing at pinaghihinalaang naipa-‐‑ liquidate na rin ni Vasquez. Sana naman ay buhay pa siya at makipag-‐‑contact sa kanyang ama na nag-‐‑aalala.. .” Nang mamalayang nandoon si Julian, kaagad na lumapit dito si Tina upang magpaalam na mag-‐‑ long distance sa ama niya na noon ay nasa kabilang probinsya sa Leyte. Mayamaya pa ay nag-‐‑uusap na ang mag-‐‑ama. “Salamat daw,” pagkuwa’y anang dalaga kay Julian. “He’ll pick me up the day after tomorrow. . Can I still stay here until my father arrives?” “Sure,” tugon nito na biglang nalungkot. DUMATING NANG GABING IYON ang ipinatawag na doctor at sinuri ang mga sugat ni Julian. Hinikayat nito na magpa-‐‑X-‐‑ray ang lalaki para makasiguro. Nang makaalis ang manggagamot ay balisa sa silid si Julian. Hindi nito alintana ang sakit na inabot sa bugbog ni Orly; mas naiisip nito ang pag-‐‑alis ni Tina. Si Tina man ay hindi makatulog sa kanyang silid. Ilang oras na siyang nakahiga ngunit hindi man lamang siya mapikit. Natigil lang siya sa pabiling-‐‑ biling nang makarinig ng katok sa pinto. “Bakit?” tanong ng dalaga nang mapagbuksan si Julian; walang pagtataka sa mukha niya kung bakit ito kumatok sa kanyang pinto nang hatinggabi. “I-‐‑I wonder if.. I could take you out to dinner before you leave tomorrow?” Nagtaka naman si Julian sa sarili dahil medyo nabibilaukan pa ito. “Well. . sure,” tugon ni Tina. “Siguro naman ay makakapag-‐‑produce ako ng suitable dress before tonight.” Nagkatinginan sila dahil kapwa nila naalalang wala palang damit si Tina kundi ang mga kamiseta at maong. “My driver will pick you up at seven thirty,” anang binata. “I’ll be coming from my office.” “Seven thirty will be fine,” sagot niya. “Great!” Nakangiti na ito at masayang tumalikod. Natulog buong umaga si Tina. Bumangon lang siya for lunch at saka na nagbihis upang bumili ng kanyang isusuot sa date nila ni Julian. Nag-‐‑iwan ng pera ang lalaki para may maipambili raw siya. Tinanggihan niya ang perang iniaabot ni Aling Fina at sinabing may credit card siya para mabili ang kahit na anong nais. Bumalik siya mga bandang alas cinco at sinimulan na ang kanyang ritual. Hustong alas siete y media ay nandoon na nga ang driver na ipinadala ni Julian. Bihis na rin siya ay ipinasiyasat kay Aling Fina ang kanyang hitsura. “Napakaganda!” puri ng mayordoma. “Bagay na bagay kayo ni Julian!” Namula sa likod ng kanyang makeup si Tina sa sinabi ng matanda. Bumili siya ng mousse para sa kanyang maikling buhok at iyon ay kinis na kinis na flat sa kanyang perpektong ulo. Simple lang kanyang makeup; bumili rin siya ng fancy earrings at pulseras na beads. Balak niya ay mababang takong na sapatos ang bilhin ngunit nang maalalang napakatangkad ni Julian ay mataas ang kanyang pinili. Ang kanyang damit ay mahabang tunic dress na kulay itim; simple lang, ngunit sa magandang hubog ng kanyang katawan ay napakaelegante iyon. SA SHANGRI-‐‑LA HOTEL MANILA dinala ng driver si Tina. Mag-‐‑isa siyang nagtungo kung saan ang tagpuan nila ni Julian. Nagpaseksi siya ng lakad dahil matagal na rin hindi niya nagawa ang gayon. Hawak ang itim na purse, nagtagal pa siya sa entrance ng restaurant kung saan gumala ang kanyang paningin upang hanapin kung saan nakapuwesto ang ka-‐‑date. Isang waiter ang nagdirekta sa kanya. Habang papalapit siya ay titig na titig sa mukha niya si Julian. Nagtama ang kanilang mga paningin. May kakaibang sikdo ng dibdib ang naramdaman ng lalaki. Mabilis ang mga pangyayari. During dinner ay wala silang masyadong nasabi sa isa’t isa, nababasa sa kanilang mga mata na sana ay silang dalawa lang ang nandoon; napakalamyos ng pag-‐‑ indayog ng kanilang mga katawan sa malamyos ding tugtugin; tila hindi nila nalasahan ang mamahaling champagne dahil may iba silang nais na lasapin. Tahimik silang umuwi nang maghatinggabi. Halos ayaw pa nilang bumaba ng sasakyan nang sumapit iyon sa tapat ng pinto ng bahay ni Julian. Wala rin silang kibuan hanggang sa pagpasok, maging sa pagpanhik ng hagdan. Sumandal si Tina sa pinto ng kanyang silid kung saan hanggang doon ay inihatid siya ni Julian. Hindi niya alam kung epekto ng masasarap na pagkain, ng alak o ang pagkahilo sa pagsasayaw ang dahilan kung bakit parang nakalutang siya sa alapaap. Hindi siya tumanggi nang ilapat ni Julian ang labi sa kanyang labi. Masuyo ang halik nito, malalim, mapusok! Natagpuan na lamang nila ang mga sarili sa loob ng silid, patuloy na naghahalikan habang hinuhubaran ng saplot ang isa’t isa. Kapwa na sila hubad nang bumagsak sa kama. “You ought to stop me.. .” anas ni Julian habang kinukuyumos ng halik ang leeg ng dalaga. “I-‐‑I can’t!” tugon ni Tina na awtomatikong pumulupot ang mga bisig sa katawan nito. Patuloy nitong siniil ng halik ang katawan niya; patuloy rin siyang nagbigay. Sa kabila ng nagdedeliryo nilang isip sa langit na nadarama dala ng dampi ng mga katawan nilang nag-‐‑aapoy, ang malamyos na awitin ng singer sa club ang kanilang naririnig—ang romantikong tunog ng piano at gitara. ... When you looked at me across the crowded room, Suddenly I wanna be alone with you Anticipate the moment when I feel your kiss. . Liriko ang bawat galaw; bawat indayog ay magkatugma; bawat kurbada ay humakab; pati ang pagtakas ng kanilang hininga sa di-‐‑malirip na langit ay magkatono. Patuloy at paulit-‐‑ulit iyon gaya ng musika sa kanilang isipan. Would you want the best from me? And I hope I find the kind of love That you can feel in me Do you love me that much? Bago mag-‐‑umaga, magkayakap silang nakahiga. “Do you feel all right?” concerned na tanong ni Julian. “A little sore.. pero okay lang ako,” nangingiting tugon ni Tina na nilanghap ang pabango sa leeg ng lalaking pinagkalooban niya ng sarili sa unang pagkakataon. Napangiti si Julian. Nang pagmasdan niya ang katabi ay mahimbing na itong natutulog.. Ang kanyang engkantada sa batis. Pinakinggan niya ang marahan nitong paghinga, ang pag-‐‑alon ng dibdib nito. Noon din ay naisip niyang pakasalan ang dalaga. WALA NA SI JULIAN nang magising si Tina. Napabalikwas siya. Nang malaglag ang kumot na bumabalot sa kanyang katawan ay nagbalik ang alaala ng nakalipas na gabi. Napangiti siya sa sarili; dagli ay nag-‐‑isip kung bakit naganap iyon sa kanila. May dagli ring sagot ang kanyang isip at puso. I’m in love! I love him. .! I love him! Karugtong ng admission na iyon ay ang alaala ng pagkakabingit nila sa kamatayan. I could have died with him! Ngunit nang maalala ang tamis ng mga halik ng lalaki ay muli siyang napangiti. “I’m glad I’m alive.. .” bulong niya bago nagtungo sa banyo. Masaya siyang bumaba; hinuhuni pa ang awitin, Do You Love Me That Much? Napabagal siya nang makitang may bisita si Julian. Si Ingrid Vasquez. “So,” anang babae na lumapit kay Tina na noon ay nakababa na ng hagdanan; looking great ito sa suot na maternity dress, “ito siguro ’yung sinasabi ni Johnny na kasama mo kagabi sa Shangri-‐‑La? Hanggang ngayon ay nandito pa rin? “You look familiar, but I don’t care,” mapaklang sabi nito na naniningkit ang mga mata sa pagkakatitig sa kanya. “Alam mo ba kung anong klaseng lalaki ang sinamahan mo kagabi at malamang na kapiling hanggang kama? Ayaw niyang panagutan ito!” Itinuro nito ang tiyan. “Hindi ba dapat ay kay Julian mo sabihin ’yan?” magalang na tugon ni Tina, habang sinasambit iyon ay kay Julian nakatingin. Una ay nagtatanong ang kanyang mga mata, sumunod ay naroon na ang pagkadismaya. Kaagad niyang nilisan ang tagpong iyon. Susundan sana siya ni Julian kung hindi ito hinarangan ni Ingrid. “Hindi pa tayo tapos!” “Wala na tayong dapat pag-‐‑usapan pa, Ingrid,” malamig na tugon ng lalaki. “Matagal nang tapos sa atin ang lahat at inuulit ko, huwag ako ang guluhin mo! Ang habulin mo’y kung sino talaga ang ama ng batang dinadala mo na alam mo namang hindi ako!” Hindi na narinig ni Tina ang mga palitan ng maaanghang na salita ng dalawa. Ang narinig na lamang niya ay ang palahaw ni Ingrid nang ito ay ipagtabuyan ni Julian papalabas ng bahay. Nang wala na ang unwanted na bisita ay tinangka ng lalaki ang kausapin siya ngunit ayaw niya itong pakiharapan. Hanggang sa dumating kinabukasan ang ama ni Tina ay hindi pa rin sila nakapag-‐‑usap. “I think you have a problem,” walang ganang sabi niya kay Julian nang bumaba siya at nag-‐‑abot sila sa hagdanan. “We have nothing to say to each other.” Tumalikod na siya at lumabas ng bahay.
Chapter Eleven
“PARE, OFF NA
NAMAN ANG SWING MO,” puna ni Eric
pagkatapos ng laro nila sa golf. “Baka gusto mong magbakasyon muna?” “I’m fine, Pare,” tugon ni Julian na
sumabay sa paglakad sa kaibigan patungo sa naghihintay nilang sasakyan. “Why
don’t you do something about your problem, Julian?” tanong nito nang tumatakbo
na ang Land Cruiser sa Ortigas Avenue matapos makalabas ng Valley Golf and
Country Club sa Antipolo. “It has been four months since you last saw her.
Hindi naman siguro masama kung puntahan mo siya.” “Ano ang gagawin ko, Pare?”
“You should know!” tugon nito. “Mas bihasa ka sa akin pagdating sa mga babae;
wala pa yata sa kalahati ang bilang ng mga naging girlfriends ko sa mga naging
girlfriends mo.” Tumigil ang sasakyan sa red light. “Iyon na nga ang
ipinagtataka ko sa sarili ko, Eric,” sabi niya habang naghihintay na maging
berde ang ilaw. “Hindi ko alam kung anong klaseng treatment ang gagawin ko sa
kanya. Iba sa lahat ang nangyayaring ito sa ’kin.” “Iyon na nga, Pare; kaya
kung ako sa ’yo, I’d make my move.” Nakinig lang siya sa kaibigan habang
ipinag-‐‑ paplano siya ng mga puwedeng maging hakbang. “Plan A, ligawan mo! Kapag hindi
umubra ang ligaw, Plan B. . ipakidnap mo at pilitin mong pakasalan ka gaya ng
pamimilit na ginawa sa ’yo ni Ingrid.” “Hindi ganoon kadali ’yon, Eric.” “Ano
ang hindi madali?” tugon nito. “Simulan mo sa panliligaw kahit pa nasa Cebu
siya ngayon. Para ka namang walang pamasahe. Are you just going to let her go?”
NATAGPUAN NA LAMANG NI JULIAN ang sarili na nakasakay sa eroplano patungong
Cebu City kung saan napag-‐‑alaman niyang nakatira si Tina.
Hapon na nang dumating siya roon. Nag-‐‑check in siya sa Cebu Waterfront
Hotel at saka naghintay na gumabi bago magpunta sa tahanan ng dalaga. Inensayo
niya ang kanyang mga sasabihin habang paroon at parito sa loob ng silid, bagay
na hindi niya nagawa sa kahit kaninong babaeng niligawan. Nang mag-‐‑alas-‐‑siete ay nagbihis siya ng kaswal na
damit at nang lulan ng taxi patungo sa residence nina Tina ay inisip niya kung
ano na ang hitsura nito. Mahaba na siguro ang buhok niya ngayon. Na-‐‑imagine niya kung hanggang saan na ang buhok nito. Marahil
ay hanggang batok na, malapit nang maging shoulder length. Nandoon ang
anticipation sa nalalapit nilang pagkikita. Napahigpit ang kanyang hawak sa
isandosenang bulaklak. Pinilit niyang ibalik sa isip ang mga salitang inensayo.
Ngunit hindi siya magkandatuto. Iwinaksi na lamang niya ang mga iyon at
iniresolba na kung ano na lang ang kanyang maisip, iyon ang sasabihin niya.
NAKAUPO NOON SI TINA sa sala at nagbabasa ng magazine nang tumunog ang doorbell.
Ang katulong niya ang nagbukas. Mula noong maging kontrobersyal ang kaso
tungkol sa pagkakaaresto kay Cong. Vasquez ay pinalipat siya ng kanyang papa sa
Cebu upang malayo siya sa kung sino pa mang puwedeng utusan ni Cedric na saktan
silang mag-‐‑ama. Pero sa pangkalahatan, ligtas
na sila. Ang naging pinakaisipin ni Tina ay si Julian at ang kanyang lumalaking
tiyan. Naroon pa rin ang kaligayahan sa puso niya dahil may naiwang alaala sa
kanya ang lalaki. Maligaya rin para sa kanya ang kanyang papa kahit bigo siya
sa pag-‐‑ibig. Pinaalalahanan na lang siya nito na ingatan ang sarili
para sa bata. Binalak niyang maghabol pero ano naman ang magagawa noon? Hayun
nga at may isang babae rin na naghahabol kay Julian. Malamang na kasal na sila
ngayon, nalulungkot na naisip niya. “May bisita ka, Ate,” balita ng
katulong. “Patuluyin mo,” tugon ni Tina na hindi iniaalis ang
mga mata sa binabasang artikulo sa magazine. Nakataas ang mga binti niya sa
sofa at may nakapatong na throw pillow sa tiyan. “Good evening,” bati ni Julian.
Alam na kaagad niya kung sino iyon; kailanman ay hindi niya nalimutan ang boses
ni Julian. “What are you doing here?” tanong niya. Napatigil ito sa paghakbang.
“I came to ask. . puwede ba akong manligaw?” Saglit siyang natigilan, pagkuwa’y
matigas ang boses na nagsalita. “Too late, I’ll be leaving for the States
tomorrow.” “Well,” sabi nito na naglaho ang lahat ng sasabihin, “I guess, I’m
too late. Magkita na lang tayo sa States sa pagpunta ko doon.” Nakatitig lang
siya rito, parang nais itong pigilan sa pag-‐‑alis. “Take this,” anito na iniabot
sa nakaantabay na maid ang mga bulaklak. “Mag-‐‑iingat
ka doon, Tina.” Nang makaalis ito, kaagad siyang
tumindig upang sundan ito ng tingin mula sa bintana. “Please, stay. . ” bulong niya sa papalayong lalaki. “Please.. .” Pumatak ang kanyang mga luha. If you
love me that much, sundan mo ako sa States! hiling ng kanyang puso. Napatingin
siya sa kanyang tiyan. Nalungkot siya sa isiping malamang ay hindi na makita ng
anak niya ang ama nito. KINABUKASAN, sa Mactan International Airport,
naghihintay na sa terminal si Tina na tawagin ang kanyang flight. Inihatid siya
ng kanyang papa. “O paano, Tina,” ani Atty. Aguilar, magkita na lang tayo sa
Boston sa kabuwanan mo?” “Yes, Papa,” tugon niya na hinalikan ito sa pisngi.
“You take care,” bilin nito na pinisil ang pisngi niya. “I’ll leave you now.”
Lumabas na ng terminal ang ama. Naiwan nito ang peryodiko sa upuan. Kinuha iyon
ni Tina at nagpasyang magbasa-‐‑basa muna. Wala siyang dalang bagahe
kundi iisang maleta. Naroon lang iyon sa kanyang paanan. Hindi na niya pinansin
ang mga balita sa front page; sa society page kaagad siya tumingin. Mabilis ang
pagbasa niya sa mga balitang elitista sa bandang itaas ng pahina. Napatuon ang
kanyang pansin sa isang sketch ng traje de boda na naka-‐‑print doon at kung sino ang magsusuot. ... The exquisite piña gown will be worn by Miss Ingrid
Vasquez when she weds Ramon Santiago. . Hindi na niya tinapos basahin ang kung
anu-‐‑ano pang detalye tungkol sa kasal ni Ingrid. Ang impulse
niya ay puntahan si Julian! Bitbit ang kanyang maleta, humangos siya palabas ng
terminal. Wala na ang kanyang papa upang tulungan siyang hanapin kung saang
hotel nakatuloy si Julian; baka hindi pa kasi ito nakakaalis ng Cebu. Ang una
niyang ginawa ay nagpunta sa isang bakanteng phone booth at ginamit ang kanyang
phone card. Nagtawag siya sa mga hotel kung may guest doon na nagngangalang
Julian Jarlego. Wala siyang positibong sagot na nakuha. Natagpuan na lamang
niya ang sarili na bumibili ng ticket sa eroplano patungong Maynila. TILA
NAPAKATAGAL NG FLIGHT na iyon na halos kalahating oras lang naman. Halos gusto
nang sabihin ni Tina sa piloto na bilisan ang lipad ng eroplano na para bang
ito ay taxi driver na puwede niyang sabihan ng: “Driver, step on it!” Maiksi
rin lang sana ang biyahe mula domestic airport hanggang Forbes Park kung hindi
sa traffic. Sana’y nandoon siya, dasal niya. Nang huminto ang taxi sa tapat ng
gate nina Julian ay humugot muna ng malalim na hininga si Tina bago umibis.
Nakabukas noon ang tarangkahan; tila may papalabas na kotse. Naisip na baka ang
lalaki ang aalis, sinadya niyang gumitna sa dadaanan ng kotse. Huminto iyon sa
kanyang tapat. “What are you doing here?” tanong ni Julian nang umibis sa kotse
at nilapitan siya. Matagal silang nagtitigan. In-‐‑absorb
muna nito ang hitsura ng babaeng minamahal—ang suot niyang maternity dress, ang nababahala niyang mga matang takot
na baka mabigo dahil matapos niya itong hindi harapin nang puntahan siya nito
sa Cebu ay nandoon at nasa akto na ng pakikiusap. “Why are you here?” muling tanong
nito, malamyos na ang boses dahil hindi maitanggi sa sarili ang kaligayahan na
nandoon siya sa harapan nito. “I-‐‑I came here to ask. . if you. .
still want me,” simula ni Tina. “You see, I am pregnant. . and you’re the father and.. I love you!” Sa wakas ay narinig ni Julian ang
matagal na nais marinig. Nawala ang resolusyon nitong magpakipot. “Oh, Tina,” tugon nito na niyakap siya, “I love you very much. Kahit hindi mo
ako pinuntahan dito, talagang susundan kita kahit saan ka pa magpunta.”
“Totoo?” “Oo,” sagot nito. “Pinalipas ko lang naman ang sama ng loob mo bago
ako nagdesisyon na makipagkitang muli sa iyo. But had I known about your. .
condition,” sabi nito, sabay haplos sa maliit na umbok ng tiyan niya, “I
wouldn’t have wasted so much time.” “Julian, will you marry me?” nakatitig sa
mga mata nitong tanong niya. Napangiti ito. “Anytime and anywhere you want.”
WAKAS